BAGAMA’T siniguro ni national coach Yeng Guiao na handa ang kanyang Team Pilipinas sa aspetong pisikal at mental, kailangan pa rin nila ng mas ibayong paghahanda para maharap ang anumang hamon na suungin sa huling dalawa nilang laro para sa 6th at final Fiba Basketball World Cup Asian qualifiers window.

Isa sa mga nakikita ni Guiao na maaaring maging problema ng kanyang koponan na nakatakdang umalis patungong Doha sa Sabado ay ang napakalamig na klima na tinatayang minus 20C sa Kazakhstan para sa huli nilang laro sa Pebrero 24.

Ayon sa national mentor, ito ang unang pagkakataon na sasabak ang kanyang koponan sa gayong sitwasyon kaya kinakailangang maging handa ang mga players ng partikular sa kanilang mga gagamitin at isusuot.

Makakalaban ng Team Pilipinas sa Doha ang Pebrero 21 ang pambansang koponan ng Qatar.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Bukod sa malamig na klima, inaasahang magiging pahirap din sa mga Pinoy cagers ang napakahaba at matagal na biyahe mula Doha papuntang Astana, ang kapitolyo ng Kazakhstan dahil walang direktang flight.

Tinatayang aabutin ng 18 oras kasama na ang walong oras na stopover sa bansang Turkey ang magiging paglalakbay mula sa Doha.

Dahil dito, wala na silang magiging pahinga pagdating ng Kazakhstan dahil kaagasd silang sasalang sa ensayo at sasabak na sa laro kinabukasan.

“Wala na kaming time for acclimatization. But physically and mentally, I think the players are ready. They just have to toughen up and play in dun sa mga extreme conditions na ‘yun,” ani Guiao.

-Marivic Awitan