GALING sa maituturing na traumatic na pamamayagpag ng fake news at fake news peddlers, unti-unti nang bumabaling ang publiko sa pagtutok sa media workers na nagsisikap maihatid ang intelligent information.Dahil sa tulong pa rin ng masasaligang mga impormasyon makakapagdesisyon nang maayos ang lahat kung ano ang nararapat o kung sino ang iboboto.
Naipapakita na sa atin sa nagaganap na epidemya sa tigdas na maraming buhay ng mga bata, 60 sa huling tala, ang katumbas ng iresponsableng pagpalakalat ng maling impormasyon.
Pero sa masiglang reaksiyon at balitaktakan ng publiko sa mga naganap sa Debate 2019: The GMA Senatorial Face-Off na ipinalabas nitong nakaraang Sabado ng gabi, ramdam na nagbabago o bumabalik na sa dati ang malusog na daloy ng mga impormasyon. Maraming salamat sa programa na halatang pinag-isipang mabuti ng mga namamahala sa GMA New and Public Affairs.
Hindi pumapalya ang GMA-7 sa aspetong ito, nananatiling poste nila talaga ang kanilang news department. Katibayan ang pagiging viral ng Debate 2019.
Magkakatulong ang moderators na sina Vicky Morales at Pia Arcangel at debate panel members naman sina Jessica Soho, Howie Severino, Arnold Clavio, at Mel Tiangco.
Pinakamainit ang reaksiyon ng netizens sa one-on-one nina Jessica Soho at Imee Marcos, kaya mabilis na kumalat ang transcription nito sa social media.
“Sinabi n’yo na political accusations lang at hindi pa napatunayan sa Korte ang mga paratang na ang inyong pamilya ay may ill-gotten wealth,” pasakalye ni Jessica.
“Pero sa datos po ng PCGG or Presidential Commission on Good Government, mayroon na pong 170 billion plus na na-recover mula sa inyong pamilya bilang ill-gotten wealth. Paano n’yo po kukumbinsihin ang mga botante sa Mayo na hindi nga po yun illegal weath?”
Sagot ni Imee: “Napakadami pang kaso na pending sa iba’t iba pong mga korte. Handa po kaming ipagtanggol ang aming pangalan, at alam po natin na iyong PCGG ay magpapatuloy pero ayaw ko pong mag-comment dahil interesado po kami. Pero patuloy po naming ipagtatanggol at ipaglalaban, ebidensiya sa ebidensiya, dokumento sa dokumento, lahat ng mga paratang na ito.”
Susog na tanong ni Jessica: “Si Presidente Duterte po mismo ang nagsabi na kumausap po kayo sa kanya, kayo raw po mismo, para mag-settle. Ibig sabihin, nakahanda po ang inyong pamilya na magbalik maybe part o partial na wealth na described as ill-gotten. Paano po ninyo i-eexplain po ito?”
“My family volunteered to President Duterte na makikipag-ugnayan at magko-cooperate kami sa pagbigay ng impormasyon, ano man ang puwede naming ibigay, ano man ang nalalaman namin, pati na rin ang mga papeles. Dahil alam namin na si Duterte ay committed sa pagbabago at naniniwala kami sa agenda niya.”Pero hindi lang si Imee Marcos ang senatorial candidate na kahit papaano ay naipakilala ng show sa televiewers.
-DINDO M. BALARES