Suns, nangulimlim sa ratsada ng Wolves

MINNEAPOLIS (AP) — Tamang player sa tamang pagkakataon si Derrick Rose.

Naisalpak ng one-time MVP ang pressure-packed 18-footer may 0.6 segundo ang nalalabi para sandigan ang Minnesota Timberwolves sa 116-114 panalo kontra Phoenix Suns nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nagsalansan si Rose ng 31 puntos, tampok ang 29 sa second half kung saan pinangunahan niya ang matikas na paghahabol ng Minnesota mula sa 11 puntos na pagkakaiwan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-ambag si Karl-Anthony Towns ng 30 puntos.

Nanguna si T.J. Warren sa Phoenix na may 21 puntos, habang kumana si Devin Booker at Kelly Oubre, Jr. ng tig-18 puntos para sa Suns na bumagsak sa 4-20 sa road game ngayong season.

Umiskor si Taj Gibson ng dunk para mailapit ang Minnesota sa isang puntos bago naagaw ni Towns ang bola mula sa pasa ni Booker para makakuha ng foul si Rose, kumana ng free throw para maitabla ang iskor sa 114 may 30.5 segundo sa laro.

CLIPPERS 103, SPURS 95

Sa San Antonio, hataw si Tobias Harris sa naiskor na 27 puntos, siyam na rebounds at siyam na assists, sa panalo ng Los Angeles Clippers kontra Spurs.

Nanguna si LaMarcus Aldridge sa Spurs sa naiskor na 30 puntos at 14 rebounds.

Nakadikit ang San Antonio sa 101-95 may 31.7 segundo ang nalalabi mula sa jumper ni Aldridge, ngunit nagpakatatag ang Los Angeles at naselyuhan ang panalo – pumutol sa kanilang five-game losing skid – sa dalawang free throws ni Patrick Beverley.

Kumubra si Beverly ng 18 puntos, 12 rebounds at limang assists, habang tumipa si Montrezl Harrell ng 18 puntos at umiskor si Avery Bradley ng 15 puntos para sa Clippers.

Kumana sina Rudy Gay at Marco Belinelli ng 19 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Spurs, habang nalimitahan si San Antonio All-Star DeMar DeRozan saw along puntos.

PACERS 120, HORNETS 95

Sa Indianapolis, ginapi ng Pacers, sa pangunguna nina Victor Oladipo na may 21 puntos at Darren Collison na may 19 puntos at siyam na assists, ang Charlotte Hornets.

Nanguna sa Hornets si Kemba Walker sa naiskor na 23 puntos. Natuldukan ang three-game winning streak ng Charlotte.

Nadomina ng Pacers ang tempo ng laro sa nakopong 32-16 bentahe sa first quarter, bago nakabawi ang Charlotte sa 12-2 run para makadikit sa 34-28.

Ngunit, muling umarangkada ang Indiana para sa 56-41 abante sa halftime.

ROCKETS 138, LAKERS 134

Sa Houston, hataw si James Harden sa natipang 48 puntos sa panalo kontra Los Angeles Lakers. Nahila ni Harden sa 19 sunod ang laro na nakaiskor siya ng 30 pataas.

“I don’t have anything to say,” pahayag ni Harden, ang reigning MVP.

Tangan ni Harden ang averaged 42.5 puntos at 8.9 assists sa loob ng 19 laro.