Nagbanta ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na kanilang tutugisin at papatayin si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu habang pumapasok na sa ika-16 na araw ang digmaan na kinasasangkutan ng Iran, Israel, at United States.
Sa isang pahayag na inilathala sa opisyal na website ng IRGC nitong Linggo, direkta nitong binanggit ang bantang pagpatay sa lider ng Israel.
“If this criminal, the killer of children, is still alive, we will continue working to hunt him down and kill him with all our strength,” anang IRGC.
Nagsimula ang pinakahuling paglala ng tensyon matapos magsagawa ng serye ng airstrikes ang Israel at Estados Unidos laban sa Iran noong Pebrero 28. Sa mga pag-atakeng ito, napatay umano ang Supreme Leader ng Iran na si Ali Khamenei—isang pangyayaring nagdulot ng matinding galit at panawagan ng paghihiganti mula sa Tehran.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?
Bilang tugon, naglunsad ang Iran ng sunod-sunod na missile at drone attacks na target ang mga lugar sa Israel at iba pang bahagi ng rehiyon sa Middle East. Ilan sa mga pag-atake ay nagdulot ng pagkasira ng mga imprastraktura at pagtaas ng tensyon sa seguridad sa rehiyon.
Ang IRGC ay isang makapangyarihang sangay ng militar ng Iran na may malaking papel sa depensa at operasyon ng bansa sa loob at labas ng teritoryo nito. Kilala rin ito sa pangunguna sa mga operasyon ng Iran sa mga regional conflict.
Sa kabila ng lumalalang sitwasyon, wala pang malinaw na senyales ng tigil-putukan habang patuloy ang palitan ng mga pag-atake at matitinding pahayag mula sa magkabilang panig.
KAUGNAY NA BALITA: Trump sa pakikipaggiyera sa Iran: 'It's doing very well!'