GCG, MECQ, Dalgona Coffee, Renegade…
Pamilyar ba ang mga salitang ito?
Sa kabila ng bumalot na pagkabalisa at takot dala ng bantang pagkalat ng Covid-19 pandemic, tila naging panahon ito para sa marami upang pagtuonang-pansin ang kalusugan ng sarili at pamilya, gayundin ang maging updated hindi lamang sa balita, kung hindi pati na rin sa social media trends.
Dahil dito, muling balikan rito ang ilan sa mga terminong gamit-gamit noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic sa bansa:
Enhanced Community Quarantine (ECQ)
Ito ang itinuturing na pinakamahigpit na “lockdown mode” noong pandemya sa bansa dahil dito ay obligadong manatili sa loob ng bahay ang lahat ng mamayan, bukod sa frontliners.
Ipinagbabawal dito ang pagbiyahe ng mga pampublikong transportasyon at pagdaraos ng anumang pagtitipon.
Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ)
Ang MECQ ay mas pinababang bersyon ng ECQ, kung saan bagama’t obligado pa ring manatili sa loob ng kanilang bahay ang mga mamamayan, pinapayagan na rito lumabas ang ilang mga manggagawa, kasama ang frontliners.
Hindi pa rin pinapayagan dito ang mga pampublikong transportasyon ngunit pinahihintulutan na ang mass gathering na mayroong hanggang limang tao na dadalo, habang ang ilang establisyimento ay nag-ooperate na sa 50% capacity.
General Community Quarantine (GCQ)
Ang GCQ ang lockdown mode na pinahihintulutan nang lumabas ang mga mamamayan, ngunit, hindi kasali rito ang mga indibidwal na nasa edad 21 pababa at 60 pataas dahil sa kanilang pagiging “high risk” sa Covid-19.
Pinapayagan na rito ang mga pampublikong transportasyon habang may istriktong implementasyon ng social distancing, habang ang mga pagtitipon may 10 taong dadalo ay pinahihintulutan na rin.
Modified General Community Quarantine (MGCQ)
Sa “lockdown mode” na ito, mas maluwag na ang mga alituntunin.
Ang mga establisyimento at pagtitipon tulad ng sinehan, concerts, simbahan, at mga conference ay nasa 50% capacity.
Habang ang maraming opisina at kompanya sa mga pampubliko at pampribadong sektor ay nasa “full capacity” na.
New Normal
Ito ang estado na pinakamimithi ng lahat noong mga panahong ito dahil habang may implementasyon pa rin ng social distancing, face mask, at face shield sa paglabas, mas mababa na ang kaso ng Covid-19, dahil madali na ring nabibigyang lunas ang mga pasyente at ang kanilang close contact bago pa kumalat ang virus.
Iba pang trends na umusbong sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic:
Dalgona Coffee Craze
Ang coffee craze na ito ang tila naging “face of the year 2020” dahil bukod sa aesthetic nitong datingan, madali rin itong gawin.
Ang ingredients lamang na kailangan rito ay kape, asukal, at tubig, bukod pa rito, maaari ding itong lagyan ng kani-kaniyang twist, depende sa trip at panlasa ng gagawa.
MAKI-BALITA: BaliTanaw: Mga pagkaing nauso at nilantakan noong Covid-19 pandemic lockdown
Renegade/Savage Love
Dahil sa pagbabawal lumabas noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic, naging “social media savvy” ang marami.
Ilan sa mga sinayawan at kinanta ng ilang netizens sa kanilang mga bahay ay ang TikTok hits ng “Renegade” ni K CAMP at “Savage Love” nina Jawsh 685 at Jason Derulo, na bukod sa catchy na tono, ang dance steps din nito ay madaling sundan, na kahit sinong parehang kaliwa ang paa ay makakasunod sa indak.
Plantito/Plantita era
Dahil sa mental stress na isa sa mga naging dulot ng Covid-19 lockdown, para sa ilan, ang pag-aalaga ng mga halaman ay naging relaxing at coping nila.
Para pa sa iba, ito ay naging paraan nila ng “reconnection” sa kapaligiran upang maibsan ang kabalisaang nararamdaman hindi lamang mula sa mismong pagkalat ng virus ngunit pati na rin ng mga tao sa paligid.