Ikinabahala ng maraming fans ang pagkahimatay ng aktres at singer na si Gigi De Lana sa gig niya sa Samal Island City, Davao Del Norte noong Marso 7.
Makikita sa ilang video na kumalat sa social media na tila nanghina at nag-collapse sa entablado si Gigi matapos ang performance niya ng kaniyang final song.
Sa inilabas na official statement ng Tritone Entertainment noong Marso 8, ibinahagi ritong nakaramdam ng matinding pagpagod ang singer at sa kabila ng masama niyang pakiramdam, pinili pa rin daw ni Gigi mag-perform para sa kaniyang fans.
MAKI-BALITA: Gigi De Lana, nag-collapse sa kaniyang gig sa Samal Island
Kaya tiniyak naman ni Gigi ang fans niya na maayos na ang kaniyang kalagayan at nagpasalamat sa kanilang suporta at pangungumusta, sa isang livestream noon namang Marso 13.
Dito ay ibinahagi rin niya na sa kumpirmasyon ng mga doktor, siya ay mayroong sakit na “pericarditis,” kung saan ang lining sa paligid ng puso niya ay namamaga.
Dahil dito, nakakaramdam daw siya ng biglaang pananakit ng dibdib na nagdudulot ng “discomfort” at pagkatakot.
Gayunpaman, tiniyak naman ni Gigi na pinayagan pa rin siya ng mga doktor na magpatuloy sa kaniyang pagpe-perform habang nilalaanan pa rin ng oras ang sarili upang magpahinga.
“Thank you for standing by me and understanding, and continuing to support me through everything. I truly appreciate each and everyone of you. So, please continue to keep me in your prayers as I recover,” pasasalamat ni Gigi sa kaniyang fans.
“I promise, I’m taking care of myself and doing everything I can to be better,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: Gigi De Lana, binunyag sakit kaya siya nahimatay!
Dahil sa rebelasyong itong ni Gigi, ano nga ba ang “pericarditis” at ano ang posibleng sanhi nito?
Ayon sa pag-aaral ng National Health Service (NHS), ang Pericarditis ay ang pamamaga o iritasyon ng lining sa paligid ng puso na nagdudulot ng pananakit ng dibdib o chest pain.
Habang hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi nito, kadalasan, ito ay dulot ng ilang viral infection tulad ng sipon o trangkaso.
Ayon naman sa pag-aaral ng Mayo Clinic, ang Pericarditis ay kadalasang mild at gumagaling rin kahit walang treatment, ngunit para sa mga mas malalang sintomas, ito ay inaagapan ng mga karampatang gamot, at sa ilang kaso ay operasyon.
Mga sintomas ng Pericarditis
Bukod sa chest pain, na kadalasa’y matalim o madiin sa pakiramdam, kasama rin sa sintomas nito ang pananakit sa bandang breastbone o sternum na nararamdaman sa balikat o leeg.
Ang pananakit ding ito ay mas lumalala pa sa pakiramdam tuwing uubo, hihiga, o bubugtong-hininga, o kaya’y sa pag-upo o pagyuko ng pasulong.
Ayon sa pag-aaral ng Cleveland Clinic, hinahanay sa dalawang grupo ang sanhi ng Pericarditis, ito ay ang infectious at non-infectious.
Ang mga posibleng sanhi ng infectious ay ang kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Mga virus tulad ng influence, COVID-19, at HIV
- Bacteria tulad ng tuberculosis
- Fungi at parasites
Ang mga sumusunod naman ay kabilang sa non-infectious:
- Operasyon o injury sa dibdib
- Anumang uri ng cancer
- Autoimmune conditions tulad ng lupus at rheumatoid arthritis
- Uremia na mula sa hindi nalunasang sakit sa bato
- Severe hypothyroidism
Ang Pericarditis ay nahahanay rin sa iba’t ibang klase depende sa tagal o dulot nito ayon din sa pag-aaral ng Cleveland Clinic:
Acute pericarditis: Biglaan ang development nito at tumatagal ng hindi lalagpas sa apat hanggang anim na linggo.
Subacute pericarditis: Ang mga sintomas nito ay umaabot ng higit apat hanggang anim na linggo, ngunit posible ring mawala sa loob ng tatlong buwan.
Chronic pericarditis: Ito ay tumatagal ng higit tatlong buwan matapos ang unang pag-atake.
Recurrent pericarditis: Ito ay bumabalik matapos ang initial treatment at nangyayari sa 30% ng mga nada-diagnose ng kondisyong ito.
Sa kabila ng mga ito, ayon sa dagdag na pag-aaral ng heart.org, bagama’t tumatagal ng ilang linggo o buwan ang pagpapagaling mula rito, ang full recovery sa Pericarditis ay nakatutulong upang mabawasan ang muling pagbabalik nito.