April 13, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Sana all! Empleyado, nanalo ng 365-day paid vacation leave sa company party

Sana all! Empleyado, nanalo ng 365-day paid vacation leave sa company party
Photo courtesy: Freepik/Pixabay (for representation only)

Naranasan mo na bang manalo ng raffle na "fully paid vacation leave" sa opisina o kompanyang pinapasukan mo?

Umani ng atensyon sa social media ang isang viral post na ibinahagi sa Facebook page na "Ignite your Mind" matapos nitong ithrowback ang kakaibang grand prize na ibinigay umano sa isang company party sa China para sa mga empleyado nito: 365 araw o katumbas sa isang taong vacation leave with pay!

Ayon sa usap-usapang post, sa halip na pera o gadgets ang ipinamigay sa raffle, nagpasya ang kompanya na gawing pangunahing premyo ang 365 araw na fully paid leave, bagay na agad na kinagiliwan ng maraming netizen dahil sa kakaibang konsepto nito.

Sa kuwento, isang empleyado ang pinalad na manalo ng isang taong pahinga mula sa trabaho habang patuloy pa ring tumatanggap ng suweldo; isang gantimpalang itinuturing ng marami na mas mahalaga pa kaysa sa materyal na regalo.

Marami naman sa mga netizen ang napa-react dito at napa-sana all na lang! Umabot sa 143k reactions, 21k shares, at 2.3k comments ang nabanggit na post.

Human-Interest

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe

Photo courtesy: Screenshot from Ignite your Mind/FB

"Imagine he comes back to next year's party and wins the same reward"

"Hindi kaya fired na siya? Haha."

"Imagine extending your leave after 1 yr"

"Hindi pa ba kasama yung VL niya na talagang benefit niya as an employee? Sarap naman!"

"Sa Pinas 1day leave lang rawag pa Ng tawag Yung boss mo."

Pero talaga bang nangyari ang balitang ito?

Kung tutuusin, matagal nang nangyari ang nakatutuwang pagkapanalo ng nabanggit na empleyado; binalikan lang, subalit relatable pa rin sa kasalukuyan lalo na sa mga nagtatrabahong medyo nangangailangan ng mas mahaba-habang pahinga o bakasyon. 

Sa ginawang fact-checking ng Balita, lumabas na totoo ang pangyayari batay sa ulat ng South China Morning Post noong Abril 2023.

Sa naturang ulat, isang lalaking empleyado sa mainland China ang naging tampok sa social media matapos manalo ng isang taong bakasyon na may bayad sa isang taunang company dinner.

Naganap ang naturang event noong Abril 9, 2023 sa lalawigan ng Guangdong sa southern China. Ito raw ang kauna-unahang annual party ng kompanya matapos ang tatlong taong paghinto dulot ng pandemya ng Covid-19.

Dahil dito, nagpasya umano ang pamunuan ng kompanya na magbigay ng espesyal na sorpresa sa mga empleyado bilang bahagi ng pagdiriwang.

Ayon sa isang staff mula sa administrative department ng kompanya na may apelyidong Chen, ang kakaibang premyo ay inilaan upang pasalamatan ang mga empleyado matapos ang mahirap na panahong dulot ng pandemya.

Ang empleyado, na isang lalaki, nang mga sandaling iyon, ay nagtatrabaho sa nabanggit na kompanya sa loob ng 14 na taon.

Saad niya sa panayam, iyon daw ang unang beses na nanalo siya ng top prize sa mga pa-raffle ng kanilang kompanya.

Kaya naman, hirit ng mga netizen, baka puwede rin itong gawin sa mga kompanya sa Pilipinas lalo na sa Christmas party o year-end party ngayong 2026.

Pero bongga, 'di ba?