Patuloy pa rin ang operasyon ng mga drug smuggler sa bansa kasunod ng pagkakadiskubre ng aabot sa P148.4-milyon halaga ng shabu, ecstasy at marijuana na nakatago sa mga de-latang pagkain sa Pork of Clark, kamakailan, ayon sa Bureau of Customs (BoC).
Sinabi ni acting District Collector Atty. Lilibeth Sumbilla-Sandag, nadiskubre nila ang kabuuang 20,136 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136.9 milyon, at 200 piraso ng ecstasy na nagkakahalaga ng P7.7 milyon, na nakatago sa mga de-latang pagkain.
Kabilang din sa nasamsam ang tinatayang 3,000 gramo ng marijuana, na nagkakahalaga ng P3.8 milyon, na nadiskubreng nakabalot sa damit.
Nabisto, aniya, ang drug shipment nang isailalim ang mga ito sa x-ray examination sa Port of Clark.
Nilinaw ni Sandag na nadiskubre ang mga kontrabando sa siyam na magkakahiwalay na kargamento na ipinadala mula sa
California, Las Vegas, Nevada, USA, nitong Disyembre 28, 2018, Enero 10, at Enero 14, ayon sa pagkakasunod.
Matapos ang pagkakabisto, agad na nagpalabas si Sandag ng warrant of seizure and detention order na nagresulta sa pagkakakumpiska sa mga drug shipment.
Sinabi pa ng BoC na nai-turn over na nila sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nasamsam na droga.
-Betheena Kae Unite