Hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na ipadama sa kabataan ang tunay na diwa ng Pasko.

Sa kanyang Christmas message para sa mga Katoliko, nagpaabot din ng pagbati ng maligayang Pasko ang Cardinal.

Nagpahayag pa ng paniniwala si Tagle na ang bawat pagdiriwang ng Pasko ay para sa mga bata, kaya naman umaasa siya na bukod sa edukasyon at maayos na buhay ay maipamana rin sana sa susunod na henerasyon ang maalab na pananampalatayang Katoliko.

Pinayuhan din ni Tagle ang mga nakatatanda na pagnilayan kung ano ang mga bagay na maipapasa nila sa kabataan, lalo na ngayong ipinagdiriwang din ng simbahan ang taon ng kabataan.

Internasyonal

1 sa 3 college students, nagse-cellphone habang nakikipagbembangan—survey

Binigyang-diin niya, na higit sa anumang regalo, ang biyaya ng pananampalataya ay kailanman hindi masisira, mabubulok, o mawawala, bagkus ito, aniya, ang magpapanatili sa diwa ng pagkabata sa puso ng bawat isa.

“Lagi nating sinasabi, ang Pasko ay para sa mga bata. Lagi rin nating sinasabi na ang kinabukasan, bawat taon ay para sa kabataan,” ani Tagle.

“Kaya sa Paskong ito at Bagong Taon, atin pong tutukan: Ano nga ba ang ating ipinamamana sa ating mga kabataan? Sana bukod sa edukasyon, sana bukod sa maayos na buhay, sana ipamana natin si Hesus, ang ating pananampalataya sa Kanya. ‘Yan po ang hindi inaamag, hindi binubukbok, hindi nasisirang regalo, at ‘yan po ang magpapabata sa kanila.”

Iginiit naman ni Senator Nancy Binay na dapat pairalin ang pagmamahalan, pag-unawa, at pagpapatawad higit pa sa mga materyal na bagay na natatanggap kapag ganitong Pasko.

“Kapos man tayo sa mga bagay na materyal, marami po tayong maibibigay sa ating kapwa na magpapasaya sa kanilang Pasko. Let us be the gifts we want to receive from our kababayans every day, at gawin po nating makulay at puno ng ngiti ang buhay ng bawat isa,” sabi ni Binay.

-MARY ANN SANTIAGO at LEONEL M. ABASOLA