Hinoldap ng tatlong armadong lalaki, na pawang nakamaskara at sakay sa isang sports utility vehicle (SUV), ang isang turistang Korean na nanalo ng mahigit P4 milyon sa casino sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.

Nanlulumong dumulog sa tanggapan ng Pasay City Police si Bang Jong Moon, 39, tubong Gwangju City, South Korea, at pansamantalang nakatuloy sa isang condo sa Mabini Street sa Maynila.

Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek.

Sa ulat ni Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, nangyari ang panghoholdap sa southbound ng Buendia Avenue-Roxas Boulevard Flyover sa Barangay 76, Zone 10, Pasay, dakong 10:40 ng gabi.

National

3 suspek sa pagkidnap at pagpaslang kay Anson Que, driver nasakote na!

Sakay ang biktima ng isang taxi patungong timog nang biglang mag-over-take ang itim na SUV na walang plaka at hinarangan ang taxi.

Bumaba ang mga armadong suspek, tinutukan ng baril ang dayuhan at nagdeklara ng holdap.

Mabilis na nalimas ng mga suspek ang P4,100,000 cash ng biktima, na napanalunan nito sa casino, at wallet nitong naglalaman ng credit card, ID, at susi.

Batay sa imbestigasyon, pagkatapos manalo ng Korean ay tinawagan siya ng isang kaibigan na maglaro naman sa isa pang hotel casino, pero naholdap nga siya habang patungo sa isa pang casino.

-Bella Gamotea