July 27, 2026

Home BALITA National

VP Sara, bumisita sa paaralan sa Lanao del Norte; ipinaalala kahalagahan ng edukasyon

VP Sara, bumisita sa paaralan sa Lanao del Norte; ipinaalala kahalagahan ng edukasyon
Photo courtesy: Inday Sara Duterte (FB)

Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte ang naging pagbisita niya sa Masibay Integrated School sa Barangay Masibay, Nunungan, Lanao del Norte, kung saan nakasama niya ang mga mag-aaral at guro ng paaralan noong Hunyo.

Sa isang social media post, Biyernes, Hulyo 17, sinabi ng Bise Presidente na naging masaya ang pagbisita niya sa paaralan at pakikipag-ugnayan sa elementary pupils.

Ayon kay VP Sara, inikot niya ang ilang silid-aralan at nakipagkuwentuhan sa mga estudyante upang hikayatin silang pahalagahan ang kanilang pag-aaral.

Binigyang-diin din niya sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng edukasyon bilang daan tungo sa mas magandang kinabukasan.

"Masaya ang aking puso na mabisita at makasama ang mga mag-aaral ng Masibay Integrated School noong bumisita tayo sa bayan ng Nunungan, Lanao del Norte, noong nakaraang buwan," aniya.

National

‘It will bring quality jobs!' PBBM, aprub na sa Pax Silica?

"Tinungo natin ang ilang silid-aralan at nakipag-usap sa mga bata, kung saan muli nating ipinaalala ang kahalagahan ng edukasyon, na susi sa pagbabago ng kanilang buhay. Hinikayat din natin sila na pag-igihan ang kanilang pag-aaral at sikaping makapagtapos."

Naging espesyal din umano ang pagbisita ng pangalawang pangulo nang sorpresahin siya ng mga mag-aaral sa kanilang mga mensahe at pagpapahayag ng suporta.

"Nasorpresa at natuwa rin tayo sa kanilang mga inihandang mensahe para sa atin, na nagbigay ng karagdagang lakas sa ating pagseserbisyo," aniya.

Ayon kay Duterte, nakatulong ang mga mensaheng ito upang lalo siyang magkaroon ng inspirasyon sa kaniyang patuloy na paglilingkod sa publiko.

Nagpasalamat din siya sa mga guro, mag-aaral, at mga residente ng komunidad para sa mainit na pagtanggap sa kaniya sa panahon ng kaniyang pagbisita.

Matatandaang patuloy na nagsasagawa si Duterte ng mga pagbisita sa iba't ibang bahagi ng bansa upang makipagpulong sa mga lokal na komunidad at makibahagi sa mga gawaing may kaugnayan sa edukasyon at serbisyong pampubliko.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, muling hinimok ng bise presidente ang mga Pilipino na magmahal sa bayan.

“Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” anang Pangalawang Pangulo.