CHARLOTTE, N.C. (AP) — Kapwa nagtala ng triple-double sina LeBron James at Lonzo Ball para sandigan ang Lakers sa bagong pahina ng kasaysayan at 128-100 panalo kontra Charlotte Hornets nitong Sabado (Linggo sa Manila).

NANGUNA si Paul George para maiangat ang Oklahoma City Thunder. (AP)

NANGUNA si Paul George para maiangat ang Oklahoma City Thunder. (AP)

Hataw si James sa naiskor na 24 puntos, 12 rebounds at 11 assists, habang kumana si Ball ng 16 puntos, 10 rebounds at 10 assists para pantayan ang marka na nagawa nina Magic Johnson at Kareem Abdul-Jabbar na magsasabay na nagtala ng triple double noong Enero 22, 1982.

Nakopo ng Lakers ang ikaapat na sunod na panalo at nahila ni James ang dominasyon laban sa Charlotte, 27-1.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Hindi mapigilan ang four-time MVP sa kabuuang ng laro at humaruruot ang Lakers sa 40-17 runs a third period para mahila ang bentahe sa pinakamalaking 30 puntos.

Nag-ambag si JaVale McGee ng 19 puntos at anim na rebounds.

Nanguna si Miles Bridges sa Hornets sa career-high 17 puntos, habang nalimitahan si Kemba Walker sa season-low apat na puntos mula sa 2-of-13 shooting.

Umabot sa 19,461 ang crowd sa Spectrum Center.

THUNDER 110, CLIPPERS 104

Sa Oklahoma City, hataw si Paul George sa naiskor na 33 puntos para sandigan ang Thunder kontra Los Angeles Clippers.

Ito ang ikaapat na pagkakataon na umiskor si George ng 30 o higit pang puntos, habang kumubra si Russell Westbrook ng 13 puntos, 12 assists, siyam na rebounds at anim na steals. Nag-ambag si Jerami Grant ng 18 puntos at tumipa si Steven Adams ng 16 para sa Thunder.

Napantayan naman ni Danilo Gallinari ang season high na 28 puntos, habang umiskor sina Tobias Harris at Montrezl Harrell ng 22 at 21 puntos, ayon sa pagkakasunod.

SUNS 107, WOLVES 99

Sa Phoenix, nagbalik-aksiyon si Devin Booker matapos ang anim na larong pahinga bunsod ng injury para pangunahan ang Phoenix kontra Minnesota Timberwolves.

Ratsada si Booker sa naiskor na 28 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Suns. Tumipa si Deandre Ayton ng 18 puntos at 12 rebounds para sa Suns, habang humugot si T.J. Warren ng 21 puntos.

Nanguna si Karl-Anthony Towns sa Wolves sa naiskor na 28 puntos, habang kumana si Derrick Rose ng 25 puntos.

Hindi na naglaro sa Suns si Trevor Ariza matapos pumayag na ma-trade sa Washington, kapalit nina Kelly Oubre Jr. at Austin Rivers, ayon sa opisyal na may direktang kinalaman sa usapin.