Ipinag-utos ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagkumpiska sa lahat ng hindi rehistradong lambanog sa merkado, kasunod ng pagkamatay kamakailan ng nasa siyam na katao mula sa magkakahiwalay na lugar, matapos na uminom ng lambanog.

Nabatid na patuloy na mino-monitor ng FDA ang merkado upang matiyak na wala nang hindi rehistradong lambanog na ibinebenta, at nang maiwasang madagdagan pa ang mga nabibiktima nito.

Una nang lumitaw sa pagsusuri ng FDA at ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DoH), na ang mga lambanog na ininom ng mga biktima ay hindi rehistrado at may mataas na antas ng methanol.

Hinihinalang methanol ang ikinasawi ng mga nakainom ng hindi rehistradong lambanog.

Probinsya

Lalaking nahaharap sa 26 rape cases, arestado!

Paliwanag ng FDA, ang mga hindi rehistradong produkto ay posibleng may hatid na panganib sa kalusugan dahil hindi ito dumaan sa pagsusuri ng ahensiya.

Nagbanta rin ang FDA na sasampahan ng mga kasong kriminal ang sinumang mahuhuli nilang nagbebenta ng mga hindi rehistradong lambanog, at iba pang nakalalasing na inumin.

Una nang sinabi ng FDA na ang pagkonsumo ng mga produktong may mataas na antas ng methanol ay maaaring magdulot ng pagkabulag, permanenteng neurologic dysfunction, at kamatayan.

-Mary Ann Santiago