Nagbigay ng reaksiyon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III tungkol sa ninakaw at kinatay na Arapaima sa isang leisure park resort sa Barangay Bantigue, Pagbilao, Quezon kamakailan.
Ayon sa ulat, nagkakahalaga ng ₱7 milyon ang ninakaw at kinatay na isda ng tatlong trabahador ng leisure park resort. Tinatayang nasa 90 kilo ang bigat nito at 6-7 piye naman ang haba.
Lumabas sa imbestigasyon na kinuha ng tatlong suspek sa fishpond ng resort ang isda at dinala sa bahay na nasa loob din nito, saka kinatay.
Matapos makita ng saksi ang ginawa sa isda, ipinaalam niya sa foreman at gwardiya ng resort ang tungkol dito.
Sa latest Facebook post ni Torre nitong Linggo, Hulyo 12, sinabi niyang mas may malaking usapin umano sa likod ng pagnanakaw at pagkatay sa naturang isda.
“May mas malaking usapin dito kaysa sa isang mamahaling isdang ninakaw at kinatay. Kung totoo ang iniulat na mga detalye, ang insidenteng ito ay isang maliit ngunit malinaw na halimbawa ng isang malaking hamon sa ating bansa: ang kawalan ng malasakit at pananagutan sa trabahong ipinagkatiwala sa atin,” saad ni Torre.
Ayon sa MMDA General Manager, ang matatag na ekonomiya ay hindi lang umano binubuo ng gobyerno at negosyante.
“Itinatayo rin ito araw-araw ng bawat manggagawang mapagkakatiwalaan, may dignidad sa paggawa, at may malasakit sa institusyong nagbibigay sa kanya ng kabuhayan,” dugtong pa niya.
Sa bawat tiwala umanong nawawala, nagkakaroon ng tunay na gastos dahil kinakailangan pa umanong bantayan ang mga bagay na dapat sana ay pinangangalagaan na ng bawat mamamayan.
Kaya ayon kay Torre, kung interesado umano ang bawat isa na ayusin ang Pilipinas, hindi raw sapat na laging itanong kung ano ang ginagawa ng gobyerno.
Pagpapatuloy niya, "Kailangan din nating itanong sa ating sarili: 'Ano ang ginagawa ko sa responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin?'"
Matatandaang minsan na rin naglabas ng ganitong sentimyento si Torre nang may tumagilid na truck sa C5 Road, Taguig City noong Abril 27 na sinamantala ng ilang motorista para kumuha ng softdrinks na lulan nito.
Aniya, “Kung gusto natin ng maayos na lipunan, hindi puwedeng galit sa mali—pero gagawin din kapag may pagkakataon.”
Maki-Balita: Torre sa mga kumuha ng soft drinks sa naaksidenteng truck: 'Ito ay pagnanakaw!'