SA mga bayan at lalawigan ay may mga tradisyon at kaugalian na binibigyang-buhay at pagpapahalaga bago sumapit ang Pasko o araw ng pagsilang ng Dakilang Mananakop. Sa lalawigan ng Rizal, mababanggit na halimbawa ang bayan ng Cardona dahil ang mga mamamayan ay matibay ang pagpapahalaga at pagbibigay-buhay sa mga namanang tradisyon at kaugalian na nakaugat na sa buhay at kultura.
Sa mga taga-Cardona, mahalaga at natatangi ang pagsapit ng unang araw ng Disyembre sapagkat simula na ito ng pagtatayo at pagbubukas ng mga ilaw ng walong Arkong Kawayan na nasa tabi ng gusali ng munisipyo na nakaharap sa simbahan ng Cardona.
Ngayong 2018, ang pagbubukas ng mga ilaw ng walong Arkong Kawayan ay pinangunahan ni Cardona Mayor Benny San Juan, Jr. at ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Kasama rin sa seremonya ang mga opisyal ng barangay sa kabayanan na nanguna sa paggawa ng Arkong Kawayan sa kani-kanilang barangay. Naging mga saksi naman dito ang mga mamamayan mula sa walong barangay na nasa kabayanan ng Cardona. Nagbunyi sila at malakas na nagpalakpakan nang mabuksan ang mga makukulay na ilaw ng mga Arkong Kawayan. Ang ibang mga Christmas lights na palamuti ng Arkong Kawayan ay dumilat-pumikit. Ang mga arko ay magtatagal hanggang sa kapistahan ng Tatlong Hari sa Enero 2019.
Ang walong arko ay nagmula sa walong barangay ng Cardona na nasa kabayanan tulad ng Barangay Dalig, San Roque, Looc, Real, Iglesia, Del Remedio, Patunhay at Calahan. Ang mga opisyal ng barangay at ang mga mamamayan sa nasabing mga barangay ang nagtulung-tulong sa paggawa ng mga arko. May taas itong 15 talampakan at iba’t iba rin ang disenyo nito na pawang gawa sa kawayan.
Nabatid ng inyong lingkod sa pakikipag-usap sa mga mamamayan sa barangay na sinisimulan ang paggawa ng mga Arkong Kawayan tuwing Oktubre at Nobyembre. At pagsapit ng ika-30 ng Nobyembre, ang mga ito ay tulung-tulong na inilalagay sa tabi ng munisipyo at nakaharap sa simbahan ng Cardona. Ngayong 2018 ay nasa ika-22 taon na ang pagtatayo at pagbubukas ng ilaw mga arko sa Cardona.
Ang paggawa at pag-iilaw ng mga Arkong Kawayan ay sinimulan ni dating Cardona Mayor Benny San Juan Sr. (ama ng kasalukuyang alkalde ng Cardona na si Mayor Benny San Juan, Jr.) noong 1996, na ang pangunahing layunin ay maipakita at mapagyaman ang pagiging malikhain ng mga taga-Cardona, lalo na ang mga naninirahan sa mga barangay.
Sa ngayon, ang walong Arkong Kawayan sa Cardona ay isa nang tourist destination tuwing Christmas season. At tuwing Simbang Gabi, ang liwanag ng mga Arkong Kawayan ay nakapagdadagdag ng sigla at kasiyahan sa mga dumadalo sa misa.
-Clemen Bautista