Binalaan kahapon ng Department of Transportation (DOTr) ang mga trucker na nakikibahagi sa truck holiday na sasampahan ng kaukulang kaso ang mga ito kung mapatutunayang nanggugulo at nanghaharang ng mga truck na ayaw sumali sa kanilang kilos-protesta.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon, hindi nila kailanman kukunsintihin ang anumang panggugulo na makaaapekto sa daloy ng komersiyo sa bansa.
Sinabi ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, bagamat bahagyang nakaapekto sa trapiko ang truck holiday, sa pangkalahatan ay hindi nito naapektuhan ang operasyon sa mga pantalan.
Gayunman, may mga napapaulat na nanghaharang ng ibang mga trucker na hindi nakikiisa sa truck holiday.
Ayon kay de Leon, hindi magdadalawang-isip ang DOTr na magpatupad ng sanction sa mga truck na may prangkisa, gayundin sa mga pribadong sasakyan na gagawa ng paraan upang maantala ang malayang daloy ng komersiyo, papasok at palabas ng Port of Manila (POM).
Giit niya, anumang concern ng mga ito ay maaari namang maayos sa pamamagitan ng dayalogo at hindi ng panggugulo.
“We will not tolerate ang mga panggugulo. Kung may mga concerns, we can do that in dialogue,” sinabi ni de Leon sa pulong balitaan kahapon ng hapon.
Aniya, nangangalap na ang kagawaran ng mga detalye tungkol sa panghaharang umano ng ibang trucks, at idudulog ito sa legal enforcement agencies ng DOTr.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na ang DOTr at iba pang attached agencies nito sa mga pangunahing trucking company sa bansa.
“Ang economic sabotage ay may kaukulang penalty na criminal, depende din ito sa magnitude ng ginawa at sa damage na naidulot nito,” ani Santiago.
Nagsimula nitong Lune sang limang araw na truck holiday laban sa planong i-phaseout ang mga lumang truck.
-Mary Ann Santiago