Palalakasin pa ng Department of Education (DepEd) ang pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa ilalim ng K to 12 program ng pamahalaan.
Ito ang pahayag ni DepEd Secretary Leonor Briones makaraang tanggalin ang mga ito sa course subjects sa kolehiyo.
Hindi, aniya, maaaring basta na lamang isasantabi at talikuran ang mga naturang asignatura, dahil ang mga ito ang nagpapaalala sa ating pagiging Pinoy.
“Dapat ay hindi natin ‘yan talikuran, ‘yan ang nag-a-assure sa atin na tayo ay Filipino, na tayo ay kaiba,” aniya.
Kahit inalis na sa kolehiyo, kasama pa rin ang naturang dalawang subjects sa basic education, gayundin sa senior high school, partikular na sa Liberal Education at Social Science.
Isa rin aniyang welcome development para sa kanila ang ginawang pagkatig ng Korte Suprema sa legalidad ng K to 12 program.
Umaasa ang kalihim na sa pamamagitan ng naturang Supreme Court (SC) ruling ay mananahimik na ang mga kritiko ng naturang programa.
“Kami ay tuwang-tuwa sa desisyon dahil it will lay to rest ‘yung mga objections ng iilang sektor na unconstitutional ang K to 12 program,” aniya.
Kinumpirma rin niya na matagumpay ang implementasyon sa ngayon ng programa dahil noong Marso at Abril ay nakapagtapos na unang batch ng senior high school.
-Mary Ann Santiago