Sisimulan na sa susunod na taon ang P175-bilyon Philippine National Railways (PNR) South Line project na bibiyahe mula sa Maynila hanggang sa Matnog, Sorsogon.

Ang 639-kilometrong proyekto ay bahagi ng PNR Luzon System program, na kabilang sa popondohan ng China, alinsunod sa Official Development Assistance (ODA) na lalagdaan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping, na bibisita sa bansa ngayong Nobyembre.

Panukalang proyekto ni Albay Rep. Joey Salceda, paiigsiin ng PNR South Line Railway sa limang oras na lang ang biyahe mula sa Maynila hanggang sa Legazpi City, Albay.

Magkakaroon ito ng siyam na istasyon—sa Maynila, Los Baños, Batangas City, Lucena, Gumaca, Naga City, Legazpi City, Sorsogon City, at Matnog sa Sorsogon at inaasahang bibiyahe na sa 2022.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Taong 2015 nang ipanukala ng Bicol Regional Development Council, sa pangunguna ni Salceda, ang PNR South Line project, na bahagi na ngayon ng “Build, Build, Build” program ng gobyerno.

Ang PNR Luzon System ay binubuo ng PNR North 1 (Manila-Malolos) na nagkakahalaga ng P10.3 bilyon; PNR North 2 (Malolos-Clark), P211.4 bilyon; PNR South Railway Commuter (Manila-Los Baños), P124 bilyon; at PNR South Line (Manila-Sorsogon), P175 bilyon.

Aabot naman sa 100,000 pamilya ang maaapektuhan ng nasabing proyekto, at naglaan na ng P54 bilyon para sa relokasyon ng mga ito.