NAGIWAN si Michael Calisaan ng di malilimutang performance sa kanyang huling laro para sa San Sebastian College sa NCAA Season 94 Men’s Basketball Tournament.
Tinapos ni Calisaan noong Martes ang kanyang collegiate career sa pamamagitan ng winning note matapos pamunuan ang Stags sa 91-63 panalo kontra Arellano University.
Dahil sa kanyang performance nakamit ni Calisaan ang Chooks-to-Go Collegiate Sports Press Corps NCAA Player of the Week award.
“Surely, we will miss Michael. Yung leadership niya sa team is something na mami-miss ng team,” ani San Sebastian head coach Egay Macaraya patungkol kay Calisaan, na nagposte ng 24 puntos at 12 rebounds.
Nagpasiklab ng husto ang 23-anyos na si Calisaan sa second at third quarters kung saan siya umiskor ng 20 puntos, kabilang na ang 14 markers sa third period.
Dahil sa panalo, tumapos ang San Sebastian ngayong season bilang pang-anim sa markang 6-12.
Tinalo ni Calisaan sina San Beda standouts Jeramer Cabanag at Donald Tankoua at College of St. Benilde big man Clement Leutcheu para sa weekly citation.
-Marivic Awitan