Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

2 pm Lyceum vs.St.Benilde

4 pm Arellano vs.San Beda

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

PORMAL na maselyuhan ang top two spots sa Final Four round ang tatangkain ng depending champion San Beda University at Lyceum of the Philippines sa pagsalang nila sa magkahiwalay na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng second round ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament.

Mauunang lumaban ang Pirates kontra College of St. Benilde Blazers ganap na 2:00 ng hapon kasunod ang Red Lions kontra Arellano University Chiefs ganap na 4:00 ng hapon.

Tatangkaing bumawi ng LPU sa kontrobersiyal na pagkatalong natamo sa nakaraan nilang laban kontra Letran na nagbaba sa kanila sa ikalawang posisyon taglay ang barahang 14-2, panalo-talo.

Kasalukuyang namumuno hawak ang markang 14-1, target din ng Red Lions na makamit ang ika-15 tagumpay upang gaya ng Pirates ay makatiyak ng nasa top two sa pagtatapos ng eliminations para sa bentaheng twice-to-beat.

Sisikapin ng Pirates na muling gapiin ang Blazers na nauna na nilang tinalo noong nakaraang Agosto 7 sa iskor na 77-65 habang magtatangka namang duplikahin ng Red Lions ang 98-79 panalo kontra Chiefs noong Agosto 24 kung saan nagposte ng kanyang career at season high 50 puntos si Robert Bolick.

Wala na sa kontensiyon, magsisilbing spoiler na lamang ang papel ng Chiefs na hangad na lamang ang magandang pagtatapos sa kanilang kampanya ngayong season.

May nalalabi pang pag-asa upang makahabol sa no.4 spot, kinakailangang mawalis ng Blazers ang nalalabing tatlong laro sa eliminations kabilang ang laban nila ngayon sa Lyceum at umasang matalo sa huling dalawang laban nito ang sinusundang University of Perpetual upang makapuwersa ng playoff.

-Marivic Awitan