NANG tahasang ipahiwatig ni Pangulong Duterte na siya ay sumailalim sa medical check-up sa isang ospital sa Metro Manila, naniniwala ako na napatigagal ang kanyang mga kritiko na walang humpay sa pamimilit na ilantad ang kalagayan ng kanyang kalusugan.
Mismong Pangulo ang nagsabi na siya ay isinalang sa endoscopy at colonoscopy test upang matiyak ang kanyang mga karamdaman. At tila pabiro pa siyang nagwika: Sasabihin ko kung ako ay may cancer. Siyempre, ang kanyang mga doktor lamang, sa pamamagitan ng makabagong mga medical instrument, ang magpapatunay ng kanyang totoong health condition.
Talaga namang walang dapat ilihim sa kalusugan ng Pangulo. Karapatan natin, kabilang na ang grupo ng oposisyon at mga kritiko, na matiyak na malusog ang ating ama, wika nga, sa pamumuno ng bansa. Kailangan niya ang matibay na pangangatawan at matalas na isipan sa paglalatag ng mga programang pangkaunlaran; mga patakaran sa paglipol ng illegal drugs, lalo na ang talamak na katiwalian na malaon nang gumigiyagis sa pamahalaan.
Naniniwala ako na hindi biro ang hirap na kinakaharap ng Pangulo sa paglutas ng nabanggit na mga problema. Katunayan, hindi miminsan niyang inamin na nahihirapan siyang sugpuin ang kurapsiyon sa lahat halos ng ahensiya ng gobyerno, lalo na sa Bureau of Customs (BoC) at iba pa. Sa kabila nito, naniniwala rin ako na malalampasan niya ang lahat ng paghamon -- sa pag-agapay ng iba’t ibang sektor na naghahangad ng isang malinis at matatag na gobyerno na bahagi ng adhikain ng Duterte administration.
Ngayong mismong si Pangulong Duterte ang naglantad ng dinadaanan niyang mga medical check-up, natitiyak kong mapapawi na ang hindi kanais-nais na mga espekulasyon hinggil sa kanyang kalusugan. Isipin na kamakailan lamang, lumutang ang mga haka-haka na siya ay comatose -- sinasabing may malubhang karamdaman. Nais palabasin ng mga kritiko na mabuway ang kanyang kalagayan sa pagtupad ng tungkulin.
Bigla kong naalala ang gayon ding mga espekulasyon na ipinukol ng ilang sektor tungkol sa kalusugan din ni dating Pangulong Fidel Ramos. Noon, walang inilihim si FVR. Katunayan, inihayag sa bayan ang kanyang pagpapaopera ng carotid sa Makati Medical Center. Mistulang hinakot ko ang Malacañang Press Corps (MPC) upang bisitahin ang dating Pangulo pagkatapos ng kanyang operasyon. Bilang Press Undersecretary, pinamahalaan ko ang live interview sa Pangulo mula sa kanyang paglabas sa hospital room hanggang sa elevator, hanggang sa Malacañang upang ipakita sa bayan ang kanyang tunay na kalusugan na hindi dapat itago sa mga mamamayan
-Celo Lagmay