NAIPUWERSA ni Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (2287) ang draw kay International Master Salome Melia (2391), subalit hindi sapat ang kanyang diskarte para maisalba ang Team Philippines women’s side kontra 14th seed Georgia 2, 1-2, Lunes ng gabi sa ikapitong round ng 43rd Chess Olympiad sa Sports Place sa Batumi, Georgia.

FRAYNA

FRAYNA

Bagama’t hawak ang puting piyesa, nauwi sa tabla ang laro ni Frayna kay Melia sa 55 moves ng English Opening sa Board One, habang nakipaghatian din ng puntos si Woman International Master Marie Antoinette San Diego (2102) na graduating Psychology student ng De La Salle University kontra kay International Master Sofio Gvetadze (2325) sa 31 moves ng Modern Benoni defense sa Board Three.

Hindi naman pinalad si Woman Fide Master Shania Mae Mendoza (Elo 2113) na natalo kay Woman Grandmaster Inga Charkhalashvili (2317) sa 50 moves ng London System Opening sa board two ganyundin si Woman International Master Marie Bernadette Galas (2080) kay Woman Grandmaster Miranda Mikadze (2255) sa 38 moves ng Sicilian defense sa Board Four.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Magugunita na sina Mendoza at Galas ang nagtala ng kambal na panalo sa Philippines women’s team kontra sa 25th seed England sa fifth round at 15th seed Spain sa sixth round.

Tabla ang resulta ng Philippines women’s team sa England, 2-2, habang ginulat naman ang Spain, 3-1.

Overall, ang Filipinas ay nanatili sa nine points, four points behind sa tournament leader Armenia sa matchpoint style scoring system sa 151 nation team tournament, 11 Round Swiss-system format.

Ang country’s female squad na ang team captain ay si Grandmaster Jayson Gonzales ay haharap sa 30th seed Argentina sa eight round, galing sa humiliating loss sa 8th seed Kazakhstan, 0.5-3.5.

Ang PH women’s team best finish sa biennial event ay 22nd place sa 1988 World Chess Olympiad sa Thessaloniki, Greece, habang ang men’s team ay may outstanding performance na 7th place.

Sa men’s play, nakaungos ang 54th seed Philippines sa 60th seed Albania, 2.5-1.5.

Kinaldag ni Grandmaster Julio Catalino Sadorra (2553) si International Master Dritan Mehmeti (2391) sa 61 moves ng Double Fianchetto Opening sa board one habang dinaig naman ni International Master Haridas Pascua (2435) si International Master Ilir Seitaj (2360) sa 31 moves of Sicilian defense sa board four.

Nakihati ng puntos naman si International Master Jan Emmanuel Garcia (2439) kay Fide Master Franc Ashiku (2373) sa 60 moves ng Dutch Leningrad variation sa board three habang natalo si Grandmaster John Paul Gomez (2464) kay Llambi Pasko (2386) sa 57 moves ng Gruenfeld defense sa board two.

Ang Filipinos, ginagabayan ni team captain Asia’s First Grandmaster Eugene Torre, ay may walong puntos mula sa apat na panalo at tatlong kabiguan.

Sunod na makakalaban nila ang 67th seed Uruguay sa next round na dinaig naman ang 87th seed Andorra, 3-1.

Samantala, nagtala naman ng panalo sina Filipino Grandmaster Wesley So (2776) at Grandmaster Samuel Shankland (2722) sa kani-kanilang katunggali para ihatid ang top seed United States sa 3-1 victory kontra sa 18th seed Croatia.

Nanguna ang defending champion US sa mens’s division na may 13 puntos.