SA mga dinaluhan naming events nitong mga nakaraang araw ay kaliwa’t kanan ang mga nagtatanong sa amin kung anong nangyayari kay Kris Aquino, at kung sino ang taong nanloko sa kanya.

“Ikaw ang tatanungin namin dahil madalas mo siyang isulat meaning may constant communication kayo,” sabi ng isa sa mga kilala naming personalidad.

Maging ang mga broadsheet editor ay ito rin ang tanong sa amin, at sinabi namin na talagang based lang sa mga Instagram post ni Kris ang isinusulat namin tungkol sa kanya.

Halos lahat naman kasi ng nangyayaari sa buhay ni Kris ay ikinukuwento niya sa kanyang IG posts, maliban sa pangalan ng taong nanloko sa kanya. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa tapos ang imbestigasyon, at kapag natapos na ay saka raw sasampahan ng kaso.

Tsika at Intriga

Bea Alonzo, businessman na si Vincent Co, nagde-date?

Hinang-hina na si Kris dahil sa stress na na-trigger kaya lumabas ang kung anu-anong sakit, bagay na ikinabahala ng legal counsel niyang si Atty. Philip Sigfrid A. Fortun at pinayagan siyang pumunta ng Singapore para sa thorough medical check-up ng kilalang espesyalista.

Maging ang bunsong anak ni Kris na si Bimby ay hindi na mapakali sa nangyayari sa ina dahil sobrang laki ang ibinawas sa timbang nito.

Walang binanggit sa amin si Bossing DMB kung hanggang kailan ang Queen of Online World and Social Media sa Singapore.

Samantala, maraming kilalang personalidad ang nagpahatid ng pag-aalala at dasal para kay Kris, na sana ay gumaling na siya at maayos na ang kinakaharap nitong problema sa usaping pinansiyal.

-REGGEE BONOAN