PINADAPA ng reigning 4-time champion National University ang University of the Philippines, 106-49, upang patatagin ang kapit sa top spot nitong weekend sa UAAP Season 81 women’s basketball tournament sa Blue Eagle Gym.
Dahil sa panalo, umangat ang Lady Bulldogs sa barahang 4-0, at pinalawig ang kanilang record na winning streak sa 68 games.
Nanatili namang nakabuntot sa kanila ang Far Eastern University kasunod ng 77-55 nitong panalo kontra De La Salle na nagtaas sa kanila sa barahang 4-1.
Sa iba pang mga laro, pinayukod g University of Santo Tomas, 67-38 ang Ateneo para manatiling nakaagapay sa mga namumuno sa hawak na kartadang 3-1, panalo-talo habang namayani naman ang Adamson University kontra University of the East, 61-45, para umangat sa patas na markang 2-2.
Tumabla ang Lady Falcons sa Lady Archers sa ika-4 na puwesto habang nalasap ng Lady Eagles ang ikatlong sunod na pagkatalo matapos ang panimulang 2-0.
Nanatili namang nasa ilalim ng standings ang Lady Warriors (1-4) at ang winless pa ring Lady Maroons (0-5).
-Marivic Awitan