NAITULAK ni Woman Fide Master Shania Mae Mendoza (Elo 2113) ang impresibong panalo kontra Fide Master Marta Garcia Martin (2329) habang nagpatuloy naman ang magandang performance ni Woman International Master Marie Bernadette Galas (2080) matapos daigin si Woman Grandmaster Monica Calzetta Ruiz (2235) para ihatid ang 43rd seed Philippines women’s team sa isang upset win kontra sa 15th seed Spain, 3-1, nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa 43rd Chess Olympiad.
Bunsod nang panalo, nakapasok sa Top 20 ang Team Philippines matapos ang ikaanim na round sa prestihiyosong torneo.
Nagawang madomina ni Mendoza, isa sa top players ng multi-titled Far Eastern University chess team, ang karibal para sa rook and pawn endgame tungo sa panalo sa ika-85 sulong ng Slav defense sa Board Two.
Ang Santa, Rosa, Laguna native na si Mendoza ang nangungunang iskorer sa PH women’s team tangan ang 4.5 puntos mula sa apat na panalo, isang draw at isang talo.
Nangibabaw naman si Galas, ipinagmamalaki ng Makati City, sa kanyang karibal matapos ang 56 sulong ng Trompovsky Opening sa Board Four.
Matapos ang isang araw na pahinga, nakipaghatian ng puntos si Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (2287) kontra kay International Master Sabrina Vega Gutierrez (2404) sa 43 moves ng King’s Indian defense sa Board One habang tabla rin ang resulta ng laban ni Woman International Master Marie Antoinette San Diego (2102) na suportado ang kanyang kampanya dito ni Dasmarinas Mayor Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., na nakipaghatian ng puntos kay International Master Ana Matnadze (2362) sa isa pang marathon 73 moves ng Double Fianchetto Opening sa Board Three.
Sa kabuuan, tangan ng Filipinas ang siyam na puntos, dalawang puntos ang layo sa United States, host Georgia Team 1 at Armenia batay sa matchpoint style scoring system sa 151 nation team tournament, 11 Round Swiss-system format.
May nine points din ang Georgia 2, Kazakhstan, Peru, Lithuania, Serbia, Hungary at Argentina.
“We’re doing well considering the strong opposition here. I like our position right now,” sabi ni National Chess Federation of the Philippines director Atty. Cliburn Anthony A. Orbe, pangulo rin ng Philippine Executive Chess Association.
Sunod na makakaharap ng koponan, ginagabayan ni team captain Grandmaster Jayson Gonzales, ang 14th seed Georgia 2 sa ikapitong round.
Ang Georgia 2 ay galing sa pagkatalo sa kanilang sister team Georgia 1, 1.5-2.5.
Ang pinakamagandang pagtatapos ng women’s team sa torneo ay 21st noong 1988 Thessaloniki, Greece World Chess Olympiad, habang ang men’s team ay pumatak sa 7th place.
Sa men’s play, nakaresbak ang 54th seed Philippines nang bokyain ang 151th seed Jersey, 4-0, para makumpleto ang double-celebration ng PH bets.
Nagtala ng magkakahiwalay na panalo sina Grandmaster Julio Catalino Sadorra (2553) , Grandmaster John Paul Gomez (2464), International Master Jan Emmanuel Garcia (2439) at International Master Haridas Pascua (2435).
Ginapi ni Sadorra si Candidate Master Krzysztof Belzo (2057) sa 43 moves of London System Opening, Dinurog ni Gomez si Candidate Master Paul Wojciechowski (1904) sa 38 moves ng King’s Indian defense, namayani si Garcia kay John Ponomarenko (1631) sa 40 moves ng isa pang King’s Indian defense habang pinasuko naman ni Pascua si David Wilson (1651) sa 39 moves ng King’s Indian Attack.
Ang Filipinos kung saan ang team captain ay si Asia’s First Grandmaster Eugene Torre ay may six points mula three wins at three losses.
Tinalo din nila ang San Marino, 4-0, at Slovakia, 2.5-1.5, subalit yumuko sa Croatia, 1-3, Estonia, 1.5-2.5, at Lebanon, 1.5-2.5, ayon sa pagkakasunod.
Susunod na makakalaban nila ang 60th seed Albania na galing naman sa kabiguan sa 25th seed Greece, 1-3.