BATUMI, GEORGIA – Nakabawi ang Philippinewomen’s team matapos ang second round loss, habang nabalahaw ang men’s team sa Croatia matapos ang third round sa patuloy na idinaraos na 43rd Chess Olympiad Miyerkoles ng gabi sa Sports Place sa Batumi, Georgia.

Ang women’s team, seeded 43rd sa 151-team division, ay nagwagi sa 55th-ranked Venezuela, 3-1, kung saan nanaig sina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (2287) at Woman International Master Bernadette Galas (2080) sa kani-kanilang katunggali.

Tangan ang itim na piyesa, dinurog ni Frayna, dating top player ng star-studded Far Eastern University chess team, si International Master Sarai Carolina Sanchez Castillo (2137) sa 45 moves ng Caro-Kann defense sa Board 1.

Hawak ang puting piyesa, nanaig si Galas, dating mainstay ng multi-titled UAAP champion De La Salle University chess team, kontra Woman Fide Master Marvia Josefina Alvarado Arcila (1956) sa 79 moves ng Alekhine defense sa Board 4.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Tampok din si Woman International Master Catherine Perena-Secopito (2157), women’s coach ng University of the Philippines chess team, tangan ang puting piyesa nakipaghatian ng puntos kay Woman International Master Tairu Manuela Rovira Contreras (2033) sa 49 moves ng King’s indian defense sa Board 2 habang tabla rin ang naganap sa laro ni Woman Fide Master Shania Mae Mendoza, pambato din ng FEU, na hawak ang itim na piyesa (2113) kontra Woman Fide Master Corals Patino Garcia (2023) sa 27 moves ng Slav defense sa Board 3.

Galing ang female squad, pinangangasiwaan ni team captain Grandmaster Jayson Gonzales, sa 1,5-2.5 kabiguan sa 35-th seed Sloveniasa second round matapos magparamdam ng lakas via 4-0 shutout victory kontra sa 117th-ranked Mozambique sa pagbubukas ng 11-round Swiss System match point format chessfest.

Nakalikom ang women’s team ng 8.5 puntos at makakalaban ang 29th-ranked Slovakia sa susunod na round na galing naman sa pagyuko sa 28th-ranked Iran, 0.5-3.5.

Magkasalo sa liderato ang third-ranked China at 12th-ranked Armenia matapos makaipon ng tig-10 puntos.

Kinaldag ng China ang 22nd-ranked Cuba, 3.5-0.5, habang binasura naman ng Armenia ang 27th-ranked Greece, 3.5-0.5.

Sa men’s side, nakalasap ang 54th-ranked Philippines’ men’s team ng heart-breaking loss kontra sa 18th-ranked Croatia, 1-3, sa kanilang third round clash.

Nabigo si Grandmaster Julio Catalino Sadorra (ELO 2553) na ma convert ang winning position para mauwi sa tabla tangan ang puting piyesa kay playing Grandmaster Ivan Saric (2689) sa 35 moves ng Reti Opening sa Board 1.

Tabla rin si Grandmaster John Paul Gomez kontra kay Grandmaster Marin Bosiocic (2600) sa 38 moves ng Gruenfeld defense sa board 2.

Subalit natalo si International Master Jan Emmanuel Garcia (2439) kay Grandmaster Ante Brkic (2565) sa 32 moves ng English Opening sa board 3 at tiklop din si International Master Haridas Pascua (2435) kay Grandmaster Sasa Martinovic (2567) sa 52 moves ng Modern defense sa Board 4.

Ang men’s team, mentor na si team captain Asia’s First Grandmaster Eugene Torre, ay mayroon ng 7.5 puntos na nasa gabay nina NCFP Chairman/ President Deputy Speaker Prospero “Butch” Arreza Pichay Jr. at Secretary-General Rep. Abraham “Bambol” Ng Tolentino Jr., kung saan sunod na makakasagupa ang 55th-seeded Estonia na winasiwas ang No.102 Lebanon, 3-1.

Samantala, tuloy naman ang pagragasa ni Filipino Grandmaster Wesley So (2776) matapos pagulungin si Dutch Grandmaster Erwin L’Ami (2639) sa 52 moves ng Ruy Lopez Opening sa board 2 para muling pangunahan ang top seed United States sa 3-1 victory kontra sa 13th-seeded Netherlands.

Ang United States, ang defending champion sa 185 team division, ay mayroon nang 9.5 puntos para makisalo sa 16th hanggang 18th place kasama ang second seed Russia at 15th-seeded Czech Republic.