Hindi ikinokonsidera ni Pangulong Duterte na magkaroon ng isang mala-Marcos na deklarasyon ng martial law sa buong bansa.
Ito ang siniguro kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, habang naghahanda ang oposisyon ng protesta para sa ika-46 na anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ng rehimeng Marcos.
“Wala pong dahilan para mag-Martial Law sa Luzon at Visayas,” pahayag ni Roque sa isang panayam sa radyo.
Bagamat aminado si Roque na nananatiling nasa ilalim ng batas militar ang buong Mindanao, siniguro ng opisyal na iba ito sa deklarasyong ipinatupad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Roque, may malinaw na mandato si Pangulong Duterte para sa mga tao at ipinagpaliban na ito sa Korte Suprema at Kongreso para sa pagpapawalang-bisa ng proklamasyon ng martial law sa Mindanao.
Itinanggi rin niya na ang batas militar ni Duterte sa south ay ginagamit upang limitahan ang kalayaan sa lugar.
“Pero malinaw na malinaw naman po na bagamat mayroong martial law diyan sa Mindanao, kakaiba po ang mga nangyayari diyan. Itong martial law po sa Mindanao, hinihingi ng taumbayan sa Mindanao. Hindi po kagaya ng Martial Law ng nakalipas na talaga naman pong ginamit para supilin ang karapatang pantao,” aniya.
Idineklara ang batas militar sa buong Mindanao noong nakaraang taon kaugnay ng limang-buwang bakbakan sa Marawi City laban sa Maute-ISIS.
Igiiniit din ni Roque na malabong mangyari ang katulad na martial law ni Marcos dahil protektado ito ng 1987 Konstitusyon.
“Malabo talagang maulit po ang Martial Law ni Marcos dahil talagang ang 1987 Constitution po ay sinabi, unang-una, hindi mo pupuwedeng isarado ang Kongreso at ang mga hukuman maski na ikaw ay may martial law,” paliwanag ni Roque.
“Pangalawa, may kapangyarihan ngayon ang hukuman at ang Kongreso na ipawalang bisa ang deklarasyon ng martial law,” dagdag pa niya.
-Genalyn D. Kabiling