Sinalubong ng kaliwa’t kanang kilos-protesta ng mga grupong pro- at anti-Duterte ang paggunita ng ika-46 na anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, kahapon.
Setyembre 21, 1972 nang idineklara ng dating diktador ang batas militar sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng Proclamation No. 1081, dahil umano sa mga ulat na pagbabanta ng mga komunista.
Kahapon, mahigit 4,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang ipinakalat sa ilang lugar sa Metro Manila at iba pang mga lungsod na pinagdausan ng mga protesta.
Sa Metro Manila, patikular na tinukoy ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang harap ng Rizal Monument sa Luneta Park, na mahigpit na binantayan kung saan iba’t ibang grupo ang nagtipon-tipon para United People’s Action (UPAC) program.
Sa taya ng MPD-District Tactics Operation Center (DOTC), hanggang 2:30 ng hapon ay nasa 2,500 miyembro na ng pro-Duterte groups ang nagtipun-tipon sa may Quirino Grandstand, sa Luneta, sa pangunguna ni Bong delos Reyes.
May 200 katao naman ang nagtipun-tipon sa De La Salle University sa Taft Avenue, Malate, na pagsapit ng 2:24 ng hapon ay unti-unti nang tumulak patungo sa Luneta.
Ilang grupo rin ang nagtagpo bago tumungo sa Mendiola, na kinabibilangan ng mga Bayan, Kadamay at multi-sectoral groups, na tinatayang binubuo ng may 1,200 indibiduwal.
Sa Bonifacio Shrine sa P. Burgos Street sa Ermita, nagtipun-tipon naman ang may 500 miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Partido ng Manggagawa.
Bukod sa pagpapahayag ng pagtutol sa posibleng muling pagbuhay sa martial law, kinalampag rin ng mga raliyista ang gobyerno na solusyunan ang problema sa mataas na bilihin at tinutulan ang TRAIN law.
Siniguro naman ni Eleazar na iniutos niya sa civil disturbance management (CDM) ang pagpapatupad ng maximum tolerance at respituhin ang karapatan ng mga taong mag-protesta.
Samantala, bumuwelta ang mga progresibong grupo hinggil sa umano’y pagpapakalat ng PNP ng mga kasinungalingan nang sabihing pamumunuan ng mga rebeldeng komunista ang mga protesta kahapon.
-Martin A. Sadongdong at Mary Ann Santiago