INAABANGAN na ng marami ang pelikula ng dating magkasintahang Carlo Aquino at Angelica Panganiban, ang Exes Baggage. Matagal na hinintay ng fans ng dalawa ang movie na relate talaga sa sitwasyon nila bilang mag-ex.

Angelica at Carlo copy

Sa isang interview kamakailan, inusisa namin si Carlo na parang true to life ang dayalogo ng karakter niya nang sabihing isa lang ang naging ex niya dahil dapat sana ay ikakasal na sila, pero biglang umayaw ang babae sa mismong araw ng kasal nila.

Halos ganito rin kasi ang nangyari kay Carlo at sa latest ex-girlfriend niyang si Kristine Nieto. Napag-uusapan na nila ang kasal noon, pero bigla silang naghiwalay.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“Ha, ha, ha. Parang nanadya, ‘no? Wow! Ewan ko, siguro maganda rin na medyo malapit (ang role sa totoong buhay),” sabi ni Carlo sabay tawa.

Napag-usapan na rin lang ang ex-girlfriend niya ay kinumusta namin sina Carlo at Kristine. Noong huli kasi naming matanong ang aktor tungkol dito ay hindi sila okay ni Kristine, dahil galit sa kanya ang dalaga.

“Okay na, nagkaka-textan na kami. Kasi may isang beses na may shooting kami sa Morato, nandoon siya sa across the street sa may Bubble Tea, parang nag-dinner siya. Ayun, kinumusta niya ‘yung PA ko, paglabas ko dun sa location, nandoon siya kumustahan na,” kuwento ng aktor.

Base sa pagkakaalam ni Carlo ay wala pang karelasyon ngayon si Kristine, at nasa ibang bansa raw ito ngayon.

Tinanong ulit namin kung anong naramdaman ni Carlo nung makita niya ulit si Kristine.

“Happy naman ako kasi parang okay na siya, ganun.”

Mag pagmamahal pa ba siya kay Kristine?“Wala na,”mabilis na sagot ni Carlo.

Posible kayang balikan niya talaga si Angelica, gaya ng matagal nang iniuungot ng kanilang fans?“Hindi ako umoo at hindi rin ako humihindi. Hindi ko isinasarado ang pinto,” sabi ni Carlo.

Nang muli silang magkita at magkasama ni Angelica, hindi ba bumalik ang pagmamahal niya sa aktres?

“Hindi ko alam,” natatawang kinikilig na sagot ni Carlo.

Sinabi ng katambal ni Angelica sa Playhouse na si Zanjoe Marudo na perfect wife si Angelica. Ito rin ba ang impression ni Carlo sa aktres?“Oo naman, kahit noon pa. Kasi okay ang karera niya, very stable, maalaga. Masarap siyang magmahal, at masarap din siyang magluto,” sabi ni Carlo.

Nagluto raw si Angelica ng lamb dish at pizza noong pumunta ang mga magulang ni Carlo sa bahay ng aktres.

“Nagbiro pa nga na pinalaki raw muna niya ‘yung lamb. Ganun ‘yun, eh, papatawanin ka,” kuwento ng aktor tungkol sa ex-girlfriend niya.

Ano ang gustung-gusto ni Carlo kay Angelica?“Napapatawa niya ako, kalog kasi [siya], ako tahimik lang. Tawang-tawa nga ako dun sa fast talk kay Kuya Boy (Abunda).”

Samantala, as of now ay kuntento na si Carlo sa buhay niya, dahil may regular siyang trabaho.

“Masaya ako ngayon kasi may trabaho ako. Nakakatulong ako sa mga magulang ko. Lalo na ngayon si Daddy, 71 (years old), may mga lumalabas nang sakit. ‘Yun lang naman ang importante, na kung may kailangan sila o pampaospital, kaya ko naman,” kuwento pa ni Carlo.

Bukod sa guesting sa Playhouse ay kasama rin si Carlo sa serye ni Gerald Anderson, Jr.

“May ipinost si Gerald na look-test, wala pang storycon. Hindi ko pa puwedeng sabihin, pero since may lumabas nang picture. Hindi ko pa alam kung ano,” pag-amin ni Carlo.

May narinig din ang aktor na may offer ang Viva Films sa kanya, pero hindi pa niya alam kung ano ang kuwento ng movie.

Sa aming kuwentuhan ay inamin ni Carlo na nakaramdam siya ng depression noong wala siyang ginagawang projects, pero never daw siyang nag-isip nang hindi maganda.

“Hindi naman, mayroon naman kasi akong support system. Sina Mommy at Daddy. Nalulungkot lang ako. [Pero] Hindi ko sila kayang iwan,” diretsong sabi ni Carlo

-REGGEE BONOAN