KAHIT kasagsagan ng pananalasa ng super typhoon ‘Ompong’ nitong Sabado ay maluwalhati pa ring nairaos ang ToFarm Film Festival Awards Night para sa anim na pelikulang kalahok dito: ang Sol Searching, 1957, Tanabata’s Wife, Alimuom, Kauyagan, at Mga Anak Ng Kamote.
Ang 2018 ToFarm Film Festival Awards night ay pinangunahan nina Dr. Milagros O. How, executive producer; Bibeth Orteza, festival director; at Joey Romero, managing director.
Sina Dulce at Bituin Escalante ang sumalang sa opening number ng programa.
Expected ng karamihan sa amin that night na si Pokwang or si Katrina Halili or si Ina Feleo ang tatanghaling Best Actress, pero tinalo sila ng baguhang Igorota na si Maribeth Mai Fanglayan para sa Tanabata’s Wife. Wagi naman as Best Actor ang kapareha ni Mai sa nasabing movie na si Miyuki Kamimura, isang Japanese actor.
Nung tanggapin ni Miyuki ang kanyang trophy at mag-speech siya in Japanese language ay hitsurang aatakehin siya sa puso kasi panay ang hawak niya sa kanyang dibdib. Maluha-luha rin siya at nahihirapang magsalita. Tinalo lang naman kasi ng Japanese actor ang kapatid ni Coco Martin na si Ronwaldo Martin, ang bida sa 1957.
Nagwagi namang Best Supporting Actor ang co-star ni Ronwaldo sa 1957 na si Richard Quan, habang si Bayang Barrios ang Best Supporting Actress para sa pelikulang Kauyagan (Way Of Life). Ka-tie ni Bayang sa nasabing category ang isa pang baguhang artista na si Gilleth Sandico para sa Sol Searching.
Best Picture ang Tanabata’s Wife, na nag-uwi ng P500,000 cash prize; Second Best Picture ang 1957, na nag-uwi ng P400,000; samantalang Third Best Picture ang Alimuom na nagkamit naman ng P300,000.
Nanalo naman sina Charlson Ong, Lito Casaje at Choy Pangilinan para sa Best Director ng Tanabata’s Wife.
Binigyan din ng parangal nina Dr. How, Bibeth, at Direk Joey si Robert Arevalo bilang special awardee.
Sobrang nakaka-touch naman ‘yung tribute para kay Direk Maryo J. delos Reyes. Siya ang nagtatag ng ToFarm Film Festival.
-MERCY LEJARDE