Tila nasa maayos na kalagayan na ngayon ang aktor na si Anthony Jennings matapos ang kinasangkutan na isyu noon kasama ang on-screen partner niyang si Maris Racal.
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Huwebes, Mayo 14, tampok ang panayam ni showbiz insider Ogie Diaz kay Anthony sa ginanap na trailer launch ng upcoming drama-series na “Nurse the Dead.”
Ayon kay Ogie, inusisa niya si Anthony tungkol sa mga nakaraang isyu nang hindi direktang binabanggit ang pangalan ni Maris.
“Ako, okay naman na ako, e. Naka-move on na rin naman ako sa nangyari na ‘yon. Wala, e. ‘Yon ang buhay talaga. Tuloy-tuloy lang,” saad ni Anthony.
Dagdag pa niya, “You have to live, you have bills to pay. You gotta accept kung ano ‘yong nasa harap mo.”
Ngunit aminado ang aktor na natakot umano siyang mawalan ng karera nang pumutok ang isyu sa pagitan nila ni Maris.
“Of course, pumasok sa utak ko ‘yon. Nando’n ka na, e. And suddenly ang daming nawala sa ‘yo,” dugtong pa ni Anthony.
Matatandaang nagsimula ang isyu ng umano’y pagtataksil ni Anthony sa kaniyang ex-partner na si Jam Villanueva nang ilabas nito sa pamamagitan ng Instagram Stories ang mga screenshot ng private conversation nila ni Maris.
KAUGNAY NA BALITA: 'My truth!' Jam Villanueva, may pasabog laban kina Maris Racal, ex-jowang si Anthony Jennings
Kaya naman lumantad din si Maris sa publiko upang humingi ng tawad at ipaliwanag ang kaniyang panig.
MAKI-BALITA: Maris Racal, nagsalita na: 'I'm so embarrassed!'