BAGUIO CITY -- Simula agad ng bakbakan para sa unang araw ng Batang Pinoy National Finals 2018 sa magkakahiwalay na venues ng Benguet at Baguio City dito.
Sa kabila ng pagdaan ng bagyong Ompong na nagresulta sa pagkasira nang ilang ari-arian sa lungsod, nagdesisyon ang Philippine Sports Commission at ang lokal na pamahalaan na ituloy ang taunang torneo para sa mga batang may edad 16 anyos pababa.
Unang sasabak sa labanan ay ang mga atleta ng athletics, archery, baseball, basketball boys, boxing, dance sport, swimming at sepak takraw.
Muling dadaan sa butas ng karayom ang mga atleta na nag kampeon sa huling Luzon, Visayas at Mindanao leg kung saan ay muli silang sasabak sa elimination round hanggang makaakyat muli sa kampeonato.
Samantala, sa kabila ng kasagsagan ng bagyo, nakapagtala pa rin ng pinakamaraming nairehistrong atleta ang mga local government units (LGU) buhat sa Luzon Simula pa noong Setyembre 14.
Kabuuang 36 LGUs ang kasalukyan nang nakatala para sa Luzon na may kabuuang 1,127 katao na binubuo ng mga atleta at coaches.
Ang Mindanao naman ay may 26 LGUs at 572 coaches at atleta habang ang Visayas naay 26 LGUs din ay may 516 na coaches at athletes na kasama.
Kabuuang 7000 atleta at mga coaches ang inaasahang na sasabak sa National Finals.
-Annie Abad