NANG dakilain ni Pangulong Duterte sa Malacañang ang delegasyon ng mga atleta sa katatapos na Asian Games sa Jakarta, Indonesia, kasabay ding umugong ang mga panawagan na lalo nating paigtingin ang pagtuklas ng mahuhusay na manlalaro na isasabak natin sa iba’t ibang sports competition. Ang naturang mga atleta na sinamahan sa Palasyo ng mga coach at iba pang kaagapay sa matagumpay na kompetisyon ay sinuob ng Pangulo ng katakut-takot na papuri at paghanga.
Hindi dito dapat matapos ang pagdakila sa ating mga manlalaro. Ang nasungkit nilang mga medalya at iba pang karangalan ay marapat lamang madagdagan. Bagama’t hindi tuwirang ipinahiwatig, matitiyak ko na kaakibat ng mensahe ng Pangulo ang isang makatuturang tagubilin sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at sa iba pang sports organization na ipagpatuloy ang pagsasanay sa itinuturing na mga potential medalists na ilalaban natin sa darating na mga world at regional sports fest.
Dapat pag-ibayuhin ang sinimulang grassroots strategy na kinapapalooban ng pagtungo sa mga kanayunan na naniniwala akong panggagalingan ng mahuhusay na atleta -- na kung ating puspusang sasanayin ay hahakot ng mga medalya. Ganito ang isinulong na estratehiya ng Gintong Alay na kung hindi ako nagkakamali ay tinampukan ng pagkakatulas kina Lydia de Vega, ang itinanghal na Asian Sprint Queen, at marami pang iba.
Sa pagsasanay ng mga atleta, hindi dapat manghinayang ang gobyerno, sa pamamagitan ng nabanggit na mga ahensiya, na paglaanan ng malaking pondo ang sports program. Ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng mga atleta, tulad ng ginagawa ng ibang bansa na tulad ng China, Indonesia at iba pa, na humakot ng katakut-takot na medalya sa nakalipas na Asian Games. Ang gayong programa ay hindi dapat mabahiran ng mga alingasngas na nakagawian ng ilang opisyal ng sports program.
Bukod sa pagkakaloob ng mga gantimpala at iba pang insentibo sa ating mga atleta, tiyakin natin na sila ay napag-ukulan ng walang wakas na pagkilala. Kaakibat ito ng pagdakila sa iba pang manlalaro na naghatid ng natatanging karangalan sa bansa at sambayanan. Hindi natin malilimutan, halimbawa, sina Anthony Villanueva -- ang nag-uwi ng kauna-unahang silver medal sa boxing sa 1964 Tokyo Olympics. Nariyan din si Rolando Navarette na humawak ng world title sa boxing. Si Jose Villanueva ay isa ring bronze medalist sa 1932 Los Angeles Olympics; Leopoldo Serantes, 1988 Sokor Olympics, Roel Velasco, 1992 Barcelona, Spain Olympics, at iba pa.
Ang ating mga atleta na nagbigay-galang sa Pangulo kamakailan, at ang iba pang manlalaro na humakot ng karangalan sa nakalipas na paligsahan ay marapat na ituring na mga bayani. Kung saan man sila naroroon ngayon, lagi natin silang pag-ukulan ng walang katapusang pagdakila.
-Celo Lagmay