PALIBHASA’Y may matayog na pagpapahalaga sa edukasyon, sukdulan ang aking paghanga sa mga inmates o bilanggo sa Manila City Jail (MCJ) na nagtapos kamakailan ng iba’t ibang kurso. Sa naturang mini graduation,
hindi academic courses ang tinapos ng ating mga kapatid na preso kundi mistulang mga vocational courses tungkol sa pagwewelding, pagmamaso, panghihilot at iba pang aralin na karaniwang bahagi ng ating pamumuhay.
Natitiyak ko na halos mapaluha sa kagalakan ang mga nakasaksi sa naturang pagtatapos ng mga bilanggo; lalo pa nga at iyon ay sinaksihan ng mga mahal nila sa buhay. Isipin pa na ang naturang okasyon ay naganap sa kabila ng manaka-nakang kaguluhan o riot ng mga inmates -- mga eksena na malimit humantong sa bugbugan at kung minsan ay kamatayan.
Ang gayong mga eksena ay hindi lamang dapat maganap sa MCJ. Marapat ding masaksihan sa iba’t ibang piitan ang alternative learning system (ALS) na itinataguyod ng Department of Education (DepEd). Natitiyak ko na maraming preso ang naghahangad ng mga karunungang dapat sana ay matamo nila nang sila ay malaya pa. Marami pa silang dapat mapag-aralan samantalang pinagdudusahan nila ang nagawa nilang pagkakasala sa lipunan.
Kaakibat ito ng isa pang makatuturan ding adhikain na pinagkakaabalahan ng mga bilanggo. Marami sa kanila ang kabilang sa mga grupo na nakaukol naman sa taimtim na pagpapahalaga sa mga Salita ng Panginoon. Patunay ito na ang kanilang pagkakabilanggo ay sanhi lamang ng silakbo ng damdamin na humantong sa malagim na pagkakamali. Maliwanag na ang kanilang pagsanib sa kilusang nagpapalaganap ng mga banal na aral ay patunay ng kanilang pagsisisi sa mga nagawang kasalanan.
Ang gayong pagpapamalas ng mga preso ng kanilang pagbabago at pagbabalik sa malayang lipunan ay marapat lamang tambalan ng gobyerno ng makataong pagmamalasakit. Kailangan din nila ang sapat na pagkain, medesina at maayos na piitan. Mayroon din silang mga karapatang pantao tulad ng nakalalayang mamamayan.
Sa kabila ng kanilang kahabag-habag na kalagayan, lalong sumisigla ang mga preso sa pagtuklas ng mga karunungan at iba pang kaalaman habang pinagdudusahan nila ang kanilang mga pagkakamali sa lipunan at sa kanilang kapuwa -- mga kamalian na pinaniniwalaan kong bunsod ng silakbo ng damdamin
-Celo Lagmay