“MASARAP din po palang magpanggap na Richie Rich sa pelikula.”

Ito ang tumatawang sabi ni Pepe Herrera nang makapanayam namin siya kasama ang ilang katoto pagkatapos ng presscon ng The Hopeful Romantic, handog ng Regal Entertainment.

“O, ‘di ba, nakakayaman ‘yung sa Manila Hotel, sa McArthur Suite kami, second expensive suite in the Manila Hotel,” sabi naman ng leading lady ni Pepe sa pelikula, si Ritz Azul.

Valet parking attendant ang karakter ni Pepe, na si Jess, sa Manila Hotel at super simple ng buhay. Marami siyang ipon at wala pang karanasan sa sex, dahil ang pangako niya sa sarili, sa mapapangasawa lang niya ibibigay ang kanyang pagkalalaki.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Si Ritz as Veronica naman ay maganda, sexy at ginagamit ang kanyang katangian para makabingwit ng lalaking kayang tustusan ang kapritso niya, hanggang sa nagkita nga sila ni Jess sa Manila Hotel.

Love at first sight ang dating ni Ritz kay Pepe, kaya hindi na niya tinantanan ang dalaga na sinamantala naman nito ng una.

Parehong first timer sina Ritz at Pepe as leading lady at leading man sa pelikula, kaya naman pareho silang masaya sa ibinigay na oportunidad sa kanila ng producers nilang sina Mother Lily Monteverde at Ms Roselle Monverde-Teo ng Regal Entertainment.

“Masaya po, it’s full of twisted turns but it’s colorful, I love it. Ninenerbiyos talaga ako, sabi nga niya (Ritz), huling-huli niya ‘yung panginginig ng kamay ko sa isang eksena para akong nakainom ng sampung tasa ng kape,” kuwento ni Pepe, tinukoy ang bed scene nila ni Ritz.

Kay Pepe raw nakasalalay ang pelikula.

“Feeling ko po kasi ang pressure ay normal part of life. Kung kaya nating tawanan na lang, eh, ‘di tawanan na lang. Yes, it’s pressure and I feel it and we’re saying ‘hi’ to it,” sabi pa ni Pepe.

“Saka stay hopeful lang parati and faithful na magiging maganda (ang resulta sa box-office). Kasi, so far po thankful kami sa magandang response sa trailer palang at ma-carry over po ‘yun sa full length film.”

Ikinumpara si Pepe kay Empoy Marquez na pareho sila ng genre sa pag-arte at hindi rin kagandahang lalaki sa paningin ng iba.

Ang bilis ng sagot ni Pepe: “Honored po siyempre, kasi Empoy na ‘yan. Saka si Empoy po talaga nakakatawa kapag kasama namin. Walang dull moment.”

Sundot naman ni Ritz: “Magkaiba po sila ni Empoy, magkaiba ng ginagawa ng level sa comedy, pero parehas po sila ng level (itsura) parehas silang may bigote.”

Samantala, mariing klinaro ni Pepe na hindi siya umalis as Benny sa FPJ’s Ang Probinsyano para mag-migrate sa ibang bansa, kundi nagpahinga lang siya dahil apektado na ang kalusugan niya.

“Gusto ko pong i-clarify ‘yun, wala po akong balak mag-migrate. Mahal ko po ang Pilipinas sa ngayon. Mahal na mahal ko ang Pilipinas kasi hindi ko masasabi kung ano ang magiging takbo ng utak ko sa future. Pero nagbakasyon lang po talaga ako with my family kasi doon (New Zealand) po nakatira ang pinsan ko.

“Pagdating naman po sa regrets, siyempre hindi maiiwasang may bulung-bulong na sana ganito, sana ganyan ang desisyon ko. Sinusubukan kong hindi mag-dwell sa ganu’n kasi naniniwala ako na hindi maganda. Hindi productive ‘pag nag-regret ka,” paliwanag ni Pepe.

Hindi itinanggi ng sidekick ni Coco Martin sa Ang Probinsiyano na sobrang laki ng naitulong sa kanya ng programa bilang Benny.

“Definitely po, and I will have mentioned it lalo na sa mga bata sa shooting na ang tawag sa akin ay Benny, automatic na sa akin na lumingon,” nakangiting sabi ng komedyante.

Paano nga ba nagpaalam si Pepe kay Coco sa Probinsiyano?“Nagkataon lang po na nagkaroon ako ng karamdaman sa latter part ng 2016. Tapos nagkaroon po kami ng series ng pag-uusap nina Coco at sir Deo (Endrinal), tapos hanggang sa maka-arrive kami sa isang desisyon na makakabuti para sa lahat that includes me and the story.

“Faithful po ako na it’s really Coco’s decision ‘yung final scene ko na mag-end sa ganu’n. Sabi po niya, ‘sayang naman kung mapupunta sa wala ‘yung binuo nating karakter na Benny’. Kaya siya po ‘yung nag-decide na maging heroic ‘yung final scene. Kaya malaki po ang pasasalamat ko kay Coco.”

Nabanggit ding magkikita raw sila ulit ng mga taga-Probinsiyano dahil may reunion daw sila na hindi muna binanggit kung anong project ito.

Tinanong namin kung kasama si Pepe sa 2018 Metro Manila Film Festival entry nina Coco at Vic Sotto na Popoy Em Jack: The Puliscredibles.

“Hindi ko po alam kung puwede ko nang sabihin kasi hindi naman ako magaling magsinungaling, baka po may cameo. Hindi ko po alam, eh,” saad ni Pepe.

Anyway, bago ang MMFF ay panoorin muna ang The Hopeful Romantic nina Pepe at Rtiz sa Setyembre 12, mula sa direksiyon ni Topel Lee.

For more updates, follow Regal Entertainment Inc on Facebook, @RegalFilms on Twitter, @RegalFilms50 on IG and Regal Cinema channel on YouTube

-REGGEE BONOAN