Sinisisi ng isang grupo ng mga mangingisda ang pamahalaan sa nararanasang kakapusan ng supply ng galunggong sa bansa.

Ayon kay Pambansang Lakas ng Kiulusang Mamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) National Chairperson Fernando Hicap, pansamantala lang ang nasabing krisis na epekto rin naman ng fishing ban na ipinatutupad ng gobyerno.

Idinahilan din ng grupo ang closed fishing season na ipinatutupad sa apat na pangunahing fishing grounds sa bansa, at ang ipinaiiral na naamyendahang Fisheries Code.

Sinabi ni Hicap na dahil sa nasabing batas at sa implementasyon ng karagdagang fishing tax at iba pang bayarin, naging limitado na ang galaw ng mga mangingisda sa bansa.

National

De Lima sa Bar passers: ‘Patuloy sana tayong magsilbing inspirasyon sa ating bayan’

“Maaaring mayroong kulang na supply ng galunggong, pero ang mga dahilan nga d’yan ay ang pagpapatupad ng batas na bawal mangisda sa ganitong area. Asahan mo, kapag pinagbawal ang mga mangingisda, hindi talaga magkakaroon ng supply,” sabi ni Hicap.

Hiniling din ng grupo ang pagbibitiw sa puwesto ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, na nagdesisyong mag-angkat na lang ang bansa ng 17,000 metriko toneladang galunggong dahil sa kakulangan nito, at upang bumaba ang presyo nito sa merkado.

“Wala siyang (Piñol) kaalam-alam kung paano paunlarin ang ating agrikultura. Ang sagot niya lang sa lahat ay importation. ‘Yung ganitong katangian ng secretary ng Departamento ng Agrikultura, wala po tayong aasahan,” giit ni Hicap.

Aniya, hindi malulutas ng importasyon ang presyuhan ng isda, dahil kontrolado ito ng mga negosyante at middlemen. - Minka Klaudia S. Tiangco