LUBOS ang pasasalamat ni Hidilyn Diaz sa nakamit na gintong medalya sa 18th Asian Games women’s weightlifting competition sa Palembang, Indonesia.
Sa Rio Olympics noong 2016, silver medal ang nabuhat ng Zamboanga City pride.
Ayon kay Diaz, 27, sulit ang mga ginawa niyang sakripisyo upang paghandaan ang laban niya sa Asiad. Naitala niya ang kabuuang bigat na 207 kgs. sa women’s 53 kgs. event.
“Kay God walang imposible, talagang sobra ang pasasalamat ko. Ilang days lang na preparation, pero naipanalo pa rin,” masayang pahayag ni Diaz.
Naniniwala si Diaz na malaki ang tsansa ng weightlifting na makakuha pa ng gintong medalya sa iba’t ibang kompetisyon na sasalihan, kung kaya naman hiling niya ang buong suporta ng mga opisyales sa nasabing sports.
“Para sa atin ang weightlifting. Malaki po ang chance natin na manalo sa Olympics, basta ibigay ang pangangailangan ng weightlifters,” ayon pa kay Diaz.
Inamin ni Diaz na mas malaki ang pressure na naramdaman niya sa pagsabak niyang ito sa Asian Games kaysa noong sumabak siya sa Rio Games.
Wala umanong umasa na mapagwawagian niya noon ang silver sa 2016 Rio Olympics, ngunit nagawa niya habang sa kanyang pagsabak ngayon sa Asian Games, halos lahat ay nag aabang sa kanyang magiging performance.
“No one expected me to win in the Olympics, pero sa Asian Games, everybody was expecting for me to win,” ani Diaz.
Lubos naman ang kanyang pasasalamat sa pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa suporta na ibinigay sa kanya sa kampanyang ito.
“I am very grateful po sa mga nag pray. Salamat po sa PSC. It is my priviledge to serve our country, to play for our country and to bring home the gold medal for our country,” aniya.
Hindi niya umano alintana ang sakrpisyo na kanyang ginawa para sa bayan, gaya ng makasama ng kanyang pamilya at mahal sa buhay, at mismong ang kanyang pag-aaral ay isinakripisyo niya muna upang paghandaan ang Asiad.
Marami pa umano siyang pagdadaanan bago muling sumabak sa Tokyo Olympics sa 2020, ngunit ngayon pa lamang ay hinihingi na ni Diaz ang suporta at dasal para sa kanyang tagumpay.
“Hinihingi ko po ang suporta nyo, prayers at financial support. Kaya po natin ito,” aniya.
-Annie Abad