Magpapatuloy ang pagpapatupad ng anti-criminality campaign ng Philippine National Police (PNP) sa pagpasok ng ‘ber’ months upang mapanatili ang mababang bilang ng krimen sa bansa.

Iniiwasan ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na tumaas ang crime rate sa pagpasok ng buwan na naghuhudyat ng papalapit na holiday season sa bansa, lalo at hindi na umano ito naranasan sa nakalipas na dalawang taon.

“Hopefully, masira na ‘yung trend na pagdating ng ‘ber’ months tumataas ang krimen. For the past two years, nawala na ‘yan,” sabi ni Albayalde.

Dati nang sinabi ng PNP na bumaba ng 20.4 porsiyento ang kabuuang bilang ng krimen sa nakalipas na dalawang taon, o mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hunyo 30,2018, kumpara sa kaparehong petsa mula 2014 hanggang 2016.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Sa kabilang banda, sinabi ng PNP na bumaba ng 46.95% ang index crimes matapos makapagtala ang mga awtoridad ng kabuuang 212,773 mula sa dating 401,112 sa parehong panahon.

Kadalasang tumataas ang index crimes, gaya ng murder, homicide, robbery, theft, carnapping at physical injury, tuwing ber months.

Binigyan na ni Albayalde ng direktiba ang lahat ng ground commander para sa patuloy na pagpapaigting ng police intervention upang mapanatili ang mababang crime rate sa bansa.

-Martin A. Sadongdong