SA Amerika, ang mga drug addict ay nagpapakamatay, hindi pinapatay. May mga sikat na artista sa Hollywood at iba pang kilalang personalidad sa lipunan ang kusang nagpapakamatay. Sa Pilipinas, ang mga drug addict ay pinapatay ng mga pulis at vigilantes dahil nanlaban daw.
Marami ang nagtatanong kung ang pagpatay sa mga tulak at adik ang tunay na solusyon sa pagsugpo sa illegal drugs. Sa isang bayan o siyudad marahil, ang paghahasik ng takot at pagpatay ay maaaring makatulong upang masugpo ang bawal na gamot.
Pero sa isang bansa na tulad ng Pilipinas na binubuo ng mahigit sa 7,000 pulo at pinananahanan ng mahigit 100 milyong Pilipino, ang kampanya sa pagpatay sa mga sugapa sa shabu at iba pang uri ng illegal drugs, ay parang imposibleng maging lunas sa pagkapawi ng salot na ito sa lipunan.
Inuulit natin, kung walang suplay na shabu sa mga lansangan, barangay, kalye at suluk-sulok na lugar, tiyak na walang maitutulak ang drug pusher at walang magagamit ang mga drug user. Marahil, higit na ang dapat pagtuunan ng administrasyon, Philippine National Police (PNP), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay ang paglipol sa drug lords, drug suppliers, drug smugglers at ang pagbuwag sa mga dambuhalang shabu o drug laboratories na nagkalat sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Patayin man ang mga drug pushers at users, barilin man at itumba ng PNP, PDEA at vigilantes araw-araw ang mga ordinaryong tulak at adik, hindi pa rin ito ang tunay na solusyon sa pagsugpo sa illegal drugs. Tandaan, habang may mga shabu na ibinebenta ang mga drug lord at smuggler, patuloy ang pagkalulong ng mga ordinaryong tao sa bawal na gamot na ginagamit nito.
Para kay Pope Francis, ang parusang kamatayan ay hindi kailanman matatanggap ng Simbahang Katoliko. Sinabihan niya ang Simbahan na dapat itong kumilos at kumampanya upang mabuwag ang naturang kampanya. May mga bansa pa sa mundo na pinaiiral ang death penalty.
Sa Pilipinas, gayunman, matindi ang paninindigan ng Duterte administration na kailangang pagtibayin ng Kongreso ang batas hinggil sa muling pagbabalik ng parusang kamatayan, lalo na, kung ang masasangkot sa bentahan ng ilegal na droga.
Dati ay may parusang kamatayan sa Pilipinas pero ito ay ipinawalang-bisa noong panahon ni ex-Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Si GMA ay nakatakdang magtungo noon sa Vatican at nais niyang ipaalam sa Santo Papa noon na ang ating bansa ay kontra sa death penalty.
Ngayong siya na ang Speaker ng Kamara, masusubukan kung itataguyod niya ang parusang kamatayan na gustong mangyari ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na ngayon ay kanyang kaalyado. Salungat si Aleng Maliit sa death penalty pero isinusulong naman ito ni Mano Digong. Hintayin natin ang susunod na kabanata!
-Bert de Guzman