Naghihimas ng rehas ang isang babae matapos umano nitong sigawan at pagsalitaan ng hindi maganda ang isang hukom sa Mandaluyong City, dahil sa pagmamadali nitong mapirmahan ang release order ng kanyang asawa na nakakulong sa Mandaluyong City Jail dahil sa kasong estafa.
Kasong grave coercion at unjust vexation ang isinampa laban kay si Elisa Alicaway, 30, nurse, ng Barangay Bulbok, Tuy, Batangas, na sinasabing sinigawan at pinagsalitaan ng hindi maganda si Presiding Judge Rizalina Capco Umali, 64, Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC) Branch 212.
Sa salaysay ng hukom, katatapos lamang ng pagdinig nang magtungo si Alicaway sa kanyang tanggapan, bandang 5:00 ng ng hapon.
Nilapitan umano ng nurse ang mga clerk na naroon at tinanong kung pirmado na ang release order ng asawa niyang may kasong 11 counts ng estafa.
Sumagot naman umano ang mga clerk na ipapadala na lang ang kopya ng release order sa tanggapan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), sa oras na mapirmahan na ito.
Hindis umano nagustuhan ni Alicaway ang sagot ng clerk at sinabing, “Eh andiyan naman si judge, bakit hindi pa niya pinipirmahan? P’wede ko ba malaman ang pangalan niyo para kung hindi niyo magawa ay kami na lang ang gagawa ng aksiyon?”
Nang marinig ang tinuran ng ginang ay nagpakilala si Umali bilang judge at tinanong kung sino ang suspek.
Nagpakilala umano si Alicaway at sinabing, “Bakit hindi niyo pa po nilalabasan ng release order ang asawa ko? Samantalang noong August 1 pa na-dismissed ang kanyang kaso. Nand’yan naman kayo p’wede n’yo naman pirmahan!”
Nagpaliwanag umano si Umali at sinabing isusunod na niya ang pagpirma sa mga dapat pirmahan subalit patuloy pa ring nagsalita ang ginang at sinabing, “Eh, kailangan na namin mailabas at maiuwi ang asawa ko!”
Dito na napikon ang hukom at tinawag ang sheriff at ipinaaresto si Alicaway para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
-Mary Ann Santiago