TULAD sa nakalipas na season, mainit muli ang panimula ng Lyceum of the Philippines University sa ginaganap na NCAA Season 94 Men’s Basketball tournament.

PEREZ: Second MVP?

PEREZ: Second MVP?

At isa sa pangunahing dahilan ang dominanteng laro ni reigning MVP CJ Perez.

Umiskor si Perez ng career-high 31 puntos upang pamunuan ang Pirates sa kanilang come-from-behind 82-65 panalo kontra Arellano University noong nakaraang Martes kung saan humabol sila mula sa pagkakaiwan ng hanggang 16-puntos.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sinundan pa niya ito ng 19 puntos, 9 rebounds, at 8 assists noong Biyernes nang gapiin nila ang kapitbahay na Mapua University, 94-81.

Nagtala ng averages na 25 puntos, 7.5 boards, 7 assists, at 4 steals sa loob ng 33 minuto si Perez sa nakaraang dalawa nilang laban.

Kaya naman bilang pagkilala sa kanyang all-around effort na nagbigay daan sa pag-angat ng LPU sa malinis na markang 5-0, si Perez ang napili bilang Chooks-to Go NCAA Press Corps Player of the Week noong Hulyo 22 - 28.

Ngunit ibinahagi ni Perez, ang kredito kay Pirates mentor Topex Robinson at sa kanyang mga kakampi.

“Syempre na-inspire ako sa pagbibigay ng kumpyansa sa’min ni coach. Hindi ko rin magagawa ‘yun kung ‘di dahil sa mga teammates ko. ‘Yung collective effort talaga ang key doon kaya ako nakakagawa ng ganoon,” ani Perez.

“Syempre ‘di ko naman nagagawa ‘yung ganon (good performance) kung wala ang trust ni coach at ng mga teammates ko. ‘Yung effort na ibibigay ko this season, all out talaga,” aniya.

Pulos papuri naman ang naibulalas ni Robinson para kay Perez.

“CJ is really special… You’re gonna love the guy, you’re gonna trust him,” wika ni Robinson.

Gayunpaman, nangako pa rin si Perez na pag iibayuhin pa ang kanyang laro para sa kanyang final NCAA season.

“Sa tingin ko, (kailangan kong ayusin) ‘yung pag-alaga sa bola ng konti kasi ‘yun nga, ‘yung turnovers,” saad ni Perez.

Tinalo ni Perez para sa lingguhang citation sina Prince Eze ng host Perpetual, Robert Bolick ng San Beda, Levi Dela Cruz ng Arellano at teammate na si Mike Nzeusseu.

-Marivic Awitan