SA presscon ng Kusina Kings ay natanong si Empoy Marquez kung ano ang pagkakahawig nila ni Zanjoe Marudo. Dati kasi ay kay Piolo Pascual siya ikinumpara.

Zanjoe copy

Nagkatitigan muna sina Zanjoe at Empoy saka seryosong sumagot ang huli: “Sobrang, it depends, kasi kami ni Z magka-age kami, pareho kaming 28 (years old), at si Kuya PJ (Piolo) kasi higher batch sa akin.

“Sobrang magkasundo kami ni Z, kasi nagkatrabaho na kami rati sa Super Inggo. Kabayo ako, siya naman si Super Islaw, at bata pa ako no’n. Thankful ako kasi magkasama kami ngayon sa reunion movie namin.”

Tsika at Intriga

Chloe, matapang na niresbakan nagsabing niretoke ilong niya

Mahusay na komedyante si Empoy, kaya natanong kung natatawa siya kay Zanjoe.

“On and off camera talaga namang nakakatawa siya (Zanjoe). ‘Yung humor niya advocate sa lahat ng feelings ng tao (tawanan ang lahat dahil lumalim ang sagot). He’s so laughter for me,” pa-serious effect na sagot ng komedyante.

Kaya natanong kung maraming adlib sa pelikula sina Zanjoe at Empoy dahil may sarili silang mga joke.

“Si Empoy kasi magaling siyang aktor, eh,” sabi ni Zanjoe. “Kumbaga may script tayo, mayroon siyang (Empoy) sariling style na hindi namin puwedeng baguhin. So ‘yun ang nakakatawa ro’n, kasi puro bago ang binibitiwan niya kada tape (shooting). Hindi mo makikita kung paano niya binitiwan ang take one at hindi mo makikita na parehas lang niya ginawa sa take two.

“Masaya kami kasi si Direk (Victor), pinababayaan niya kami kung ano ang gusto naming gawin kasi nagko-collaborate kami lahat, kasama ang ibang cast kaya malapit sa puso namin ang project na ito. Kaya pakiramdam naming, hindi lang kami pumasok para umarte kung ano ang nasa script. Kumbaga parte kami ng pelikula, nagtutulungan,” mahabang kuwento ni Zanjoe.

Seryosong hirit naman ni Empoy, “it’s all about cooking, it’s all about friendship, it’s all about family, it’s all about love.”

Nabanggit din na nahirapan ang dalawang bida habang ginagawa nila ang Kusina Kings dahil lagare sila sa kani-kanilang teleserye kaya sinabihan silang laging handa dahil mapapagod sila lalo na kapag ang mga eksena ay sa kusina.

Ano ang pagkakaiba nina Zanjoe at Empoy?“Magkaiba kami, kasi kailangan ko lagi ng kasama para magpatawa, hindi ako magwo-work nang ako lang mag-isa. Dapat mayroon akong filler o ako ‘yung filler,” katwiran ni Zanjoe.

“Parang Dolphy at Panchito, Bossing Vic and Ritchie d Horsie, Tugak and Pugak,” duwetong sabi ng dalawang Kusina Kings.

Base sa mga kuwento nina Zanjoe at Empoy sa pelikula kasama pa ang ibang kuwento ng direktor na si Victor Villanueva ay parang hawig ito sa foreign film na Ratatouille na ipinalabas noong 2007.

Ayon kasi kay Zanjoe, hindi siya marunong magluto pero matalas ang panlasa niya at alam kung masarap o hindi ang luto at kung tama ang timpla nito.

Si Empoy naman ay mahusay magluto at lahat ng sangkap ay sakto kaya nang lumaban si Zanjoe sa pagluluto ay katuwang niya ang kaibigan.

Abangan ang Kusina Kings sa Hulyo 25, mula sa Star Cinema.

-Reggee Bonoan