Nakikiisa si Senador Joel Villanueva sa mga panukala na ibaba ang rate ng value-added tax (VAT) at bilang ng exemptions para matugunan ang inflation sa presyo ng mga bilihin.
Sa isang pahayag sinabi ni Villanueva na isusulong niya ang pagbawas sa VAT rate matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na ang inflation rate ng bansa nitong nakaraang taon ay sumirit sa 5.2 porsiyento, ang pinakamataas sa nakalipas na limang taon, at lumagpas sa inaasahan ng economic managers ng gobyerno at market experts.
“In the Senate, we can push for the lowering of VAT to 10 percent. To manage the possible effect of lowering the government revenue, we need to repeal the long list of unnecessary and inefficient VAT exemptions,” ani Villanueva.
Matagal nang inaapela ni Sen. Panfilo Lacson na ibaba ang kasalukuyang 12% VAT rate sa 10%, dahil ang Pilipinas ang may pinakamataas na VAT rate sa ASEAN region. Isinulong niya ang amendment sa panahon ng deliberasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law noong nakaraang taon, ngunit natalo ito sa botohan.
Bukod kay Lacson, naghain din si Sen. Riza Hontiveros ng panukala na ibaba ang VAT rate sa 10%, at kalaunan sa 8%.
Nagpahayag na rin si Senate President Vicente Sotto III ng suporta sa mga panawagan, sinabi na maaari nilang isama ang pagbawas sa VAT rate sa ilalim ng administrasyong Duterte sa pangalawang comprehensive tax reform proposal (CTRP), o TRAIN 2.
-Vanne Elaine P. Terrazola