KAGYAT ang aking reaksiyon kapag may napapaslang na opisyal ng local government units (LGUs): Biktima sila ng kamandag ng pulitika. Ibig sabihin, ang napapatay na nanunungkulang mga alkalde at iba pang lingkod ng bayan ay maaaring pinagbabalakang utasin ng kanilang mga katunggali sa halalan na naghahangad mang-agaw ng kapangyarihan. Lalo na nga kung ang naturang mga pinuno ay laging makatitiyak ng panalo sa halos walang nagtatangkang lumaban sa kanila sa alinmang eleksiyon.
Makasarili ang aking pananaw sa ganitong sitwasyon sapagkat ito ay nangyari sa aking kapatid – si Mayor Rogelio Lagmay ng Zaragoza, Nueva Ecija na hindi nailigtas sa tinaguriang noontime massacre, maraming taon na ang nakalilipas. Maaaring ganito rin ang nangyari sa mga alkalde ng isang bayan sa Leyte, Iloilo, at Batangas. Kamakailan lamang ay pinaslang si Mayor Ferdinand Bote ng Gen. Tinio, NE – na nagkataong isang kalalawigan.
Maaari rin naman na ang nabanggit na mga lider ng LGUs ay laging tinatangkilik ng kani-kanilang mga nasasakupan; hindi sila binitawan ng kanilang mga kababayan hanggang sa kanilang kamatayan dahil nga sa kanilang huwarang paglilingkod.
Naniniwala ako na bukod sa pulitika, ang naturang mga opisyal ay pinagbintangan ding nasangkot sa illegal drugs. Katunayan, sila ay sinasabing kasama sa narco-list ng administrasyon. Subalit sa pahayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa Region 3, si Mayor Bote ay hindi kailanman nasama sa listahan ni Pangulong Duterte. Gayunman, ang isyu hinggil sa illegal drugs ay maituturing ding pulitika sapagkat ang droga ay isang political commodity.
Sa anu’t anuman, ang nabanggit na mga biktima ng kamandag ng pulitika ay marapat ding magtamasa ng angkop na katarungan. Kahit na ano ang ibintang sa kanila nang sila ay nabubuhay pa, hindi sila dapat pagkaitan ng hustisya.
Natitiyak ko na ito ang dahilan kung bakit kumilos kaagad ang pamunuan ng Nueva Ecija upang mabigyan ng katarungan ang pamamaslang kay Mayor Bote. Sa pakikipanayam kay Atty. Al Abesamis, provincial administrator ng naturang lalawigan, tandisan niyang sinabi na si Gov. Czarina D. Umali ay naglaan ng isang milyong pisong pabuya para matukoy at maaresto ang mga salarin at utak ng naturang karumal-dumal na pagpatay na naganap sa Cabanatuan City.
Angkop lamang ang kanyang pagbibigay-diin na ang naturang pabuya ay kailangan namang tumbasan ng ibayong imbestigasyon ng PNP at ng iba pang intelligence agency ng gobyerno upang papanagutin ang mga kasangkot sa kahindik-hindik na krimen -- mga kampon ng kadiliman na nalulukuban ng kamandag ng pulitika.
-Celo Lagmay