Nadakip ng Makati City Police ang isang umano’y holdaper makaraang biktimahin ang isang babae sa lungsod, nitong Martes ng gabi.

Nakakulong na si Bryan Ramos y Guerrero, 23, binata, ng 878 Villeza Street, Barangay Pitogo, Makati City.

Kinilala naman ang biktimang si Jackilyn Reyes y Delona, 23, dalaga, sales assistant representative ng Zara, at nakatira saDasmariñas, Cavite City.

Sa ulat ng pulisya, nagsasagawa ng area monitoring sina PO2 Christopher Rosales at PO1 Norie Galit sa Estrella- Pantallon Bridge (Rockwell), Bgy. Guadalupe Viejo, sa naturang lungsod, dakong 10:30 ng gabi nang mapansing hinahabol ng isang babae ang isang lalaki, kaya nirespondehan nila ito at naaresto ang suspek.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa biktima, naglalakad siya sa naturang tulay papuntang Mandaluyong nang biglang sumulpot ang suspek na armado ng patalim at sapilitang kinuha ang kanyang cell phone.

Kaagad namang tumakbo ang suspek na hinabol ng biktima habang nagsisigaw ng tulong.

Nakumpiska umano sa suspek ang isang ice pick na may anim hanggang 10 pulgadang haba, isang pakete ng umano’y shabu, at ang cell phone ng biktima.

Sasampahan si Ramos ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165), robbery hold-up at illegal possession of deadly weapon sa Makati Prosecutor’s Office.

-Bella Gamotea