NAKATAKDANG ipamahagi ng National Housing Authority (NHA) ang nasa 5,481 unit ng “Yolanda” permanent housing para sa kuwalipikadong benepisyaryo sa tatlong lokal na pamahalaan ng Ikatlong Distrito ng Negros Occidental.

Ayon kay Marie June Castro, coordinator sa district housing concerns sa ilalim ng Office of Rep. Alfredo Benitez, maaaring ipamahagi na sa Agosto ang mga pabahay matapos makumpleto ng mga contractors at LGU-beneficiaries ang mga kailangang dokumento.

Kabilang sa mga benipisyaryo ng pabahay ang Silay, na may 1,992 housing unit sa Barangay E. Lopez; ang E.B. Magalona, na may 1,168 housing units sa Bgy. Sto. Niño; at ang Victorias, na may 2,321 housing units sa Bgy. 13.

Bukod sa pabahay, makikita rin sa housing site ang multi-purpose covered courts na may training centers at mga open spaces para sa pasilidad ng komunidad.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kabilang ang nasabing mga pabahay sa 27,055 permanent housing unit na itinayo ng NHA sa hilagang bahagi ng Negros, na pinakamatinding naapektuhan ng Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.

Ayon kay Castro, kinakailangan ipasa ng tatlong lokal na pamahalaan ang listahan ng mga benepisyaryo, individual certificate of inspection, occupancy permit at environmental compliance certificate na kailangan sa pagpapalabas ng deed of transfer at acceptance.

Sa NHA Memorandum Circular 2018-005, ipamamahagi ito ng NHA sa mga benepisyaryong LGU at kinakailangan na maipasa ang lahat ng dokumento bago i-turn over ang mga bahay.

Samantala, sinabi ni Castro na iginiit ng NHA-Bacolod sa mga benepisyaryo na ipinagbabawal ang pagbebenta, pagsangla, paupahan, baguhin o iwanan ang lote gayundin ang right at interest, bilang bahagi o kabuuan, sa loob ng 20 taon mula sa paglalabas ng mga titulo na nakasaad sa NHA Memorandum Circular 2018-004.

PNA