Nag-aalinlangan si Quezon City Vice-Mayor Joy Belmonte sa panukalang ipagbawal ang paggamit ng for-hire tricycles bilang school shuttles.

Kumpara sa school bus services, ipinunto ni Belmonte na mas mura ang pamasahe sa tricycle, kayat mas praktikal itong gamitin bukod sa kumikita pa ng ekstra ang mga tricycle driver sa paghahatid-sundo sa mga estudyante.

“I understand that LTFRB wants to ban tricycle school service, pero hindi ‘yan ang isyu. Ang isyu ay ‘yung overloading at colorum,” ani Belmonte.

Naglabas ng kanyang sentimiyento si Belmonte matapos ipahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nais nitong ipagbawal ang mga tricycle bilang school shuttle services.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Iginiit ni Belmonte na ang kapangyarihan sa tricycle units ay nasa ilalim ng local government units (LGUs), at ang sasakyan na may tatlong gulong ay madaling makadaan sa makikipot na kalye at eskinita.

Dumulog na sa city government ang mga miyembro ng local tricycle drivers and operators associations (TODAs) na apektado ng kampanya ng LTFRB.

“I think what we should do here is to just intensify the enforcement of rules against overloading, colorum, and out-of-line tricycles,’’ ani Belmonte.

Sinabi ni LTFRB board member Aileen Lizada na hindi pinapahintulutan ang mga tricycle na pumasada sa national roads at highways dahil sa isyu sa kaligtasan.

Sinabi ni Lizada na hihilingin ng regulatory agency ang ban sa paggamit ng tricycles bilang school shuttles at pormal itong ipanunukala sa Metro Manila Council ngayong araw.

-Chito Chavez