HINDI maiaalis na ako -- o ang sinumang katulad kong masasakitin – ay alihan ng matinding pangamba dahil sa sinasabing banta ng ilang miyembro ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI): Kakalas sila sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung hindi mababayaran ang umano’y pagkakautang sa kanila ng naturang ahensiya ng gobyerno.
Ang pagkalas ng mga Philhealth-accredited hospital ay mangangahulugan ng pagkawala ng mga healthcare benefits na nakatutulong nang malaki sa mga pasyente. Paano na kung kakalas ang ospital na itinuturing nating pangalawang tahanan dahil sa madalas nating pagkakasakit? Hindi ba ito ay mangangahulugan ng pag-igsi ng ating buhay?
Mabuti na lamang at ang ganitong pangamba ay pinawi ng pamunuan ng PhilHealth. Sa pamamagitan ng tinanggap nating sulat mula kay Dr. Israel Francis Pargas, OIC-SVP, Health Finance Policy Sector at concurrent PhilHealth Spokesperson, nalinawan ko ang masalimuot na isyu hinggil sa umano’y bantang pagkalas ng ilang kasapi ng PHAPI.
“Nais ipabatid na noong Biyernes, ika-25 ng Mayo 2018, ay nagpulong na po ang PhilHealth at PHAPI. Isang Joint Statement ang aming nilagdaan (kalakip ng sulat na ito) at kabilang sa aming napagkasunduan ay ang pagsasagawa ng reconciliation ng aming mga record upang tukuyin ang mga claims na bayad na; mga lehitimong claim na kasalukuyan pang pinoproseso; claims na ibinalik sa ospital; at claims na denied o hindi akmang bayaran.
“Kami ay linggo-linggo ring magpupulong upang subaybayan ang nasabing reconciliation at upang magkatuwang na resolbahan ang iba pang kaugnay na isyu. Kami ay maglulunsad din ng isang portal upang patuloy na i-update ang mga ospital patungkol sa kanilang mga claim.
“Dahil sa kasunduang ito ng PhilHealth at PHAPI, makakaasa na ang publiko na tuloy ang pagkakamit nila ng PhilHealth benefits sa accredited healthcare providers. Umaasa rin kaming ang bantang pagkalas ng mga private hospital sa PhilHealth ay hindi na mangyayari.
“Kami ay lubos ding nagpapasalamat sa inyong magagandang sinabi tungkol sa ating programa. Kami po ay lubos pang magsisikap para patuloy naming maihatid sa inyo ang mga benepisyong medikal sa panahong pagkakasakit at pagpapagamot.”
Sana, ang naturang paliwanag ay maituring na pampahaba ng buhay.
-Celo Lagmay