HABANG puspusang ipinatutupad ng Commission on Higher Education (CHED) ang libreng matrikula sa state universities and colleges (SUCs) sa iba’t ibang panig ng kapuluan, pinahintulutan naman ng Department of Education (DepEd) ang pagtataas ng tuition fee sa halos 500 pribadong paaralan sa bansa. Isa itong malaking kabalintunaan, lalo na kung isasaalang-alang na dapat isulong ng pamahalaan ang pagkakaloob ng libreng edukasyon, tulad ng ipinahihiwatig sa ating Konstitusyon.
Bilang isang magulang na nagsisikap makapagpaaral ng mga anak, apo at kamag-anak, hindi ko napigilang magpuyos sa galit dahil nga sa naturang tuition fee hike. Isipin na halos humilahod na sa hirap ang ilan sa amin sa hangaring maihanda ang mahahalagang pangangailangan ng aming mga pinag-aaral; pagkatapos ay dadagdagan pa ang aming pasanin na bunsod ng naturang desisyon ng gobyerno.
Humupa lamang ang aming panggagalaiti nang ipaunawa sa amin ng awtoridad na makatuwiran lamang ang itinaas sa matrikula. At mula sa naturang tuition fee hike, 70 porsiyento ang iuukol sa suweldo ng mga guro; 20 porsiyento ang ilalaan sa pagpapabuti o improvement ng pasilidad ng mga paaralan; ang natitirang 10 porsiyento ang magiging kita o profit ng school owners. Isa itong malaking sakripisyo ng mga school owners alang-alang sa kapakanan ng mga guro.
Makatuwiran at makabuluhan lamang ang pag-uukol ng gayong biyaya sa ating mga guro, lalo na ang mga nagtuturo sa pribadong mga eskuwelahan: lalo na ngayon na tila napag-iiwanan sila ng mga public school teachers na mataas ang sinusuweldo dahil sa halos sunud-sunod na salary increases. Sinasabing ito ang dahilan kung bakit maraming guro sa mga pribadong paaralan ang nagbabalak lumipat sa pampublikong mga eskuwelahan.
Hindi nakapanghihinayang na taasan ang sahod ng ating mga guro. Makatuturan ang kanilang misyon hindi lamang sa paghubog ng kinabukasan ng ating mga kabataan kundi maging sa pagsusulong ng iba pang makabayang misyon, tulad ng kung minsan ay mapanganib na partisipasyon nila sa mga halalan.
Ang kahalagahan ng kanilang tungkulin ay natitiyak kong kinikilala hindi lamang ng national government kundi maging ng mga local government units (LGUs). Ang pamunuan ng aming lalawigan halimbawa, sa pangunguna ni Gov. Cherie Umali ay sumasaludo sa ating mga guro. Ganito ang aking pagkaunawa, batay sa pahiwatig ni Atty. Al Abesamis, Nueva Ecija Provincial Administrator at tumatayo ring spokesman ng gobernadora.
Kapwa sila naninindigan na ang pagtataas ng suweldo ng ating mga guro na kaakibat ng kanilang mga pagsisikap ay katumbas ng talino o karunungan na ikinikintal nila sa kaisipan ng mga kabataan
-Celo Lagmay