KASABAY ng pagtatapos ng No Tobacco Month, ikinagulat ko ang ulat na umaabot sa 150,000 kababayan natin ang namamatay taon-taon dahil sa iba’t ibang sakit na bunsod ng paninigarilyo. Ibig sabihin, 400 Pinoy ang hindi nakaliligtas araw-araw sa paghithit ng nakalalasong usok ng tabako; patunay na hindi nababawasan – at tila patuloy na nadadagdagan – ang mga sugapa sa naturang nakamamatay na bisyo.

Naniniwala ako na ito ang dahilan ng walang patumanggang babala ng iba’t ibang health groups laban sa paninigarilyo. Laging nangunguna sa ganitong pagsisikap ang World Health Organization – Framework Convention on Tobacco Control (WHO-FCTC) upang mahadlangan ang nakakikilabot na global epidemic on tobacco use.

Ibig kong maniwala na ang naturang mga pagsisikap ay hindi tumatalab sa ating mga kababayan sa kabila ng kabi-kabilang mga batas at ordinansa hinggil sa pagsugpo ng paninigarilyo. Malamya at tila walang kamandag, wika nga, ang gayong mga kautusan na naglalayong lumikha ng ‘smoke-free environment’ na ipinangangalandakan ng mga local government units (LGUs).

Isa pa, tila hindi rin tumatalab sa ating mga kababayang masyadong lulong na sa paninigarilyo ang mga babala na tulad ng Graphic Health Warning (GHW) na nakalimbag sa mga cigarette packs; malinaw na nakalarawan dito ang nakaririmarim na mga sakit na likha ng paghithit ng usok.

Bukod dito, pinatunayan sa mga pag-aaral ng health groups, na ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa daigdig na may pinakamababang presyo ng mga sigarilyo. Hindi kataka-taka na ito ang pinagpipistahan ng mga Pilipino smokers. Sa ganitong mga pag-aaral, sumagi sa aking utak ang kontrobersyal na pananaw: Panahon na upang ipagbawal ang pagtatanim ng tabako, paggawa ng mga sigarilyo, kabilang na ang pagpapasara sa mga cigarette factories.

Naniniwala ako na halos imposible – at hindi naman marahil nararapat – ang gayong estratehiya. Lilikha ito ng higit na matinding problema ng gobyerno at ng mismong mga mamamayan na umaasa lamang sa tobacco industry na totoo namang bahagi rin ng pagsulong ng mga kaunlarang pangkabuhayan sa kapakanan ng lahat, kabilang na ang mismong mga sugapa sa paninigarilyo.

Sa kabila ng maigting na panawagan laban sa paninigarilyo, hindi nagbabago ang aking paniniwala na ang paglipol ng anumang bisyo – pagsusugal, paninigarilyo, pagkalulong sa illegal drugs at iba pa – ay nakasalalay sa kapasiyahan ng mismong mga sugapa. Sapat nang ipaunawa sa kanila na ang pagkalulong sa gayong mga bisyo ay mistulang pagpapatiwakal.

-Celo Lagmay